Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Simbahan, mga negosyante: Botohan sa ABS-CBN `wag politikahin

0 452

Nagpahayag ng suporta ang archdiocese ng Maynila at Makati Business Club (MBC) para sa franchise renewal ng ABS-CBN at hiniling sa Kongreso na huwag haluan ng politika ang pag-apruba nito sa pagbabalik operasyon ng network.

Sa kanyang mensahe, inihayag ni Apostolic Administrator Bishop Broderick Pabillo ang kahalagahan ng ABS-CBN na katuwang aniya sa paghahayag ng mga impormasyon sa publiko lalo pa ngayong nasa gitna ng COVID-19 pandemic ang bansa.

“Hinihiling po namin na sana hanapin ng mga kongresista ang ikabubuti sa pangkalahatan at hindi ang political agenda ng mga namumuno,” panawagan pa ni Pabillo sa mga mambabatas, sa panayam ng Radio Veritas.

“Nanawagan po ako sa mga kongresista na boboto sa franchise ng ABS-CBN ito po ay kailangan ng mga tao; lalong lalo na sa panahon ngayon na kailangang kailangan nila ng balita, ng mga pahayag at entertainment sa panahong ito na may community quarantine dahil sa pandemic,” giit ni Pabillo.

Samantala, nanawagan din ang MBC sa mga mambabatas na i-renew ang prangkisa ng ABS-CBN at itrato ng patas lahat ng mga kompanya.

Dagdag nito, makatutulong sa pag-ahon ng ekonomiya ang muling pag-ere ng ABS-CBN dahil madadagdagan ang nakokolektang buwis ng pamahalaan, at mapangangalagaan nito ang mga trabaho pati na ng mga negosyong naga- advertise ng kanilang mga paninda at serbisyo.

Sabi pa ng MBC, ang patas na pagtrato sa mga kompanya ng mga regulator, prosecutor, at mga mambabatas ay magandang senyal para sa mga foreign at local investor na nangingibabaw ang batas o rule of law sa bansa na mahalaga para kanila para mag-invest at kumuha ng mga taong magtratrabaho. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.