Abante Tonite Interactive

Simpleng empleyada nakapundar sa ‘ukay-ukay’

By
257

Sa loob ng 13-taon, isa lamang siyang ordinaryong empleyado sa Sta. Cruz, ­Manila na pumapasok araw-araw mula alas-otso ng umaga hanggang alas-singko ng hapon at minsan pumapasok siya ng overtime na walang bayad mula sa kanyang opisina.

Bilang isang ordinaryong empleyado noon ay hinangad na rin na sana bigyan siya ng Diyos kahit na maliit na pagkakakitaan dahil ayon kay Roselyn Bergonia-Ruiz, nakakapagod ang namamasukan araw-araw lalo na kung commuter mula Quezon City hanggang Manila.

Hanggang isang araw noong 2008, ­habang pauwi si Roselyn mula sa kanyang opisina sa Sta. Cruz ay nakita niya ang mga ukay-ukay sa Carriedo St. at Quiapo. Dito na siya nagsimulang magtanong-tanong kung paano magsisimula ng ukay-ukay na negosyo nang maliitan lamang.

Taong 2017 bago siya magretiro sa pinapasukang opisina, mula sa kanyang inipon na kaunting pera ay nakapagsimula siya ng maliit na ukay-ukay sa Villasis, Pangasinan.

Mula sa maliit na ukay-ukay stall, nagbenta siya ng mga stuffed toy, bed sheets, mga pillow case, comforters, mga bags at kung ano-ano pa.

Dahil na rin sa pagtitiyaga, napalago niya ang ukay-ukay na aniya’y negosyong pang-masa.

“Marami na rin akong suki most specially mga babae at mga mother na at all ages ang buyers ko ngayon,” ani Roselyn.
Sa kanyang pagsisikap, nadagdagan ang kanyang paninda sa ukay-ukay at kumukuha na siya ng kanyang paninda galing US, Korea, Singapore, Japan at Hong Kong.

At habang patuloy siyang kumikita sa ukay-ukay, nakaisip ng bago pang negosyo si Roselyn – ang isang tutorial center para sa mga grade schooler.

Dito umusbong ang kanyang sariling eskuwelahan na Banyard Tales and Tutorial Center sa mismong bahay nilang mag-asawa kung saan kasama niya ang kanyang mister na si Jun Ruiz sa pagtataguyod nito.

“2018 when I started the school, it was summer then, at sa tulong ng aking mister na tumutulong sa akin sa hirap at ginhawa, nakaipon ako at nakabili sa ukay-ukay din ng mga items gaya ng books for kids, toys and activity books na usable pa naman upang magamit ko sa tutorial center,” saad ni Roselyn na siya na rin ang tumayong tutorial teacher na patuloy pa ring tumatanggap ng mga pre-schooler hanggang Grade 6.

Sa kasalukuyan, ­retirado na si Roselyn sa kanyang opisina. Hindi na siya obligadong pumasok araw-araw bagkus hawak na niya ang sariling oras.

“Minsan ang negosyo ay makukuha sa tiyaga at sipag at ang pinaka-importante ay ang tiwala sa ­Diyos na kung waka siya, ­everything is nothing,” sabi pa ni Roselyn na may ngiti nang tagumpay.