Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Simply Lyca

0 46

Halos pitong taon mula nang napasok niya ang mundo ng entertainment, hindi pa rin nagbabago ang 16-year old na ngayong si Lyca Gairanod.

Kasama ko ang kaibigan at co-reporter ko rin noong si Steve Dailisan nang una kong nakilala si Lyca. Sa bahay ni Mayor Yuri A. Pacumio ng Tanza, Cavite namin unang napakinggan ang nakamamanghang tinig ng siyam na taong gulang pa noong bata. Kasama ni Lyca noon ang kanyang ina.

Kung hindi ako nagkakamali, naka-puting sando at shorts pa noon si Lyca. Manipis at sira-sira ang suot na damit. Mababakas sa kanyang hitsura ang kahirapan ng buhay. Noon mga panahong ‘yon, hindi ikinahihiya nang mag-ina na pangangalakal ng basura ang ikinabubuhay ng kanilang pamilya.

Makalipas ang ilang buwan, nagulat na lang akong nakita kong bumibirit sa entablado ng kauna-unahang ‘The Voice Kids’ si Lyca. And the rest is history – siya ang itinanghal na first-ever grand champion ng nasabing singing contest!

Bukod sa cash prize, may house and lot ding premyo si Lyca. Kung tutuusin, malaking tulong ito sa kanyang pamilya na naninirahan noon sa barong-barong na nakatayo sa tabing dagat.

Kamakailan, muling naging laman ng social media si Lyca matapos mag-trend ang bahagi ng interview sa kanya ng broadcast-journalist na si Karen Davila.

Nag-viral ito dahil sa nakakatuwang facial expression ni Lyca nang hampasin siya ni Karen matapos malamang magkapareho sila ng kaarawan. Iba’t ibang memes na sa Facebook ang naglabasan na talaga namang pinagpiyestahan ng netizens.

SM food to go Banner Ad

Mahigit milyon na rin ang subscribers ni Lyca sa kanyang Youtube channel. Kaya kahit bihira ang raket ngayon sa showbiz dahil sa pandemya, buhay na buhay pa rin ang career ni Lyca.

Aminado si Lyca, miss na niya ang mag-perform sa harap ng maraming fans. Aniya, “Sana maging okay na tayong lahat para makasama at makabonding na namin kayo.”

Ang nakatutuwa sa dalaga, mas pinili pa rin niyang mamuhay nang simple at payak. Dahil hindi sumama sa napanalunang bahay ang kanyang lola, muling bumalik si Lyca sa barangay Amaya na kanyang kinagisnan. Doon siya bumili nang bahay para malapit pa rin sa kanyang lola.

Talaga namang ipinagmamalaki ng Tanza si Lyca – hindi lang dahil sa kanyang angking galing at husay sa pagkanta, kundi maging sa kababaang loob na kanyang ipinakikita.

Laking pasasalamat din niya sa fans, higit lalo sa mga Tanzeñong walang sawang sumusuporta sa kanya.

Gaya ng marami, hangad din ni Lyca na matapos na ang pandemyang ating kinakaharap para bumalik na sa normal ang pamumuhay.

Leave A Reply

Your email address will not be published.