Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Simula na ang karnabal

0 115

Nagbukas na ang Commission on Elections sa pagtanggap ng certificates of candidacy ng mga pulitikong tatakbo sa 2022 elections sa unang buwan ng Oktubre na tatagal ng walong araw.

At gaya ng nakagawian, bagamat mayroong pandemya ay hindi naging balakid ito sa supporters ng mga kandidato para dagsain ang lugar kung saan naghain ng kandidatura ang kanilang mga napipisil na politiko.

Parang karnabal sa piyesta, dinadagsa pa rin ang paligid ng Sofitel Hotel sa Pasay City ng mga ordinaryong tao na nais makita ang kanilang mga hinahangaang pulitiko.

Sa nabanggit na hotel ginawa ang pagtanggap ng aplikasyon ng COMELEC dahil mas malaki at mas maluwag ang espasyo kaysa sa main office sa Intramuros na hindi malayong magkaroon ng siksikan.

Likas sa mga Pilipino ang mga ganitong aksiyon tuwing panahon ng eleksiyon at tiyak na mas marami pa sana ang tao kung walang pandemyang hatid ng COVID-19.

Mahigpit ang ipinatutupad na protocols ng COMELEC para makasiguro ng kaligtasan laban sa COVID-19 at limitado ang pinapayagang kasama ng kandidato sa paghahain ng kanyang kandidatura.

Mula sa popular na mga pulitiko hanggang sa mga hindi kilala ay maagang naghain ng kanilang “pampabuwenas” na kandidatura dahil sa paniwala ng ilan sa mga ito na madalin matandaan kung sino ang mga nauna.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Marami pa ang inaabangan ng publiko na magdedeklara ng kanilang kandidatura, kaya sa loob ng walong araw ay makikita ng publiko ang iba’t ibang mukha, iba’t ibang katangian at karakter ng mga gustong maglingkod sa bayan kung papalaring mabigyan ng pagkakataon.

Aasahan din ang mga gagawing panunuyo ng mga pulitiko sa publiko para ilatag ang kanilang mga plataporma o kung ano ba ang gagawin kapag sila ay pinagkatiwalaan ng mga boto ng publiko.

Kaibigan, huwag agad magpapadala sa matatamis na pangako at salita ng mga kandidato. Matuto sa mga nakalipas na karanasan para hindi kawawa ang taongbayan pagdating ng panahon.

Nakakasiguro naman ako na gising na ang marami sa taongbayan pero hindi maitatangging mayroon pa ring mga botante na madaling makumbinsi at mapaniwala ng mga trapo kaya pag-isipang mabuti ang karapat-dapat na magsilbi sa taongbayan.

Tandaan kaibigan, ang eleksiyon lalo na sa panahon ng kampanya ay maraming payasong tila nakatakas sa karnabal at aaliwin kayo, kukunin ang inyong atensiyon at papaniwalain sa kanilang mga pangako.

Huwg din agad maniwala sa mga kaliwa’t kanang survey na malakas si ganitong kandidato, una sa gusto ng taong bayan.

Tandaan kaibigan, ang survey ay pang-kundisyon lang sa isip ng publiko at hindi nito ikinakatawan ang pananaw ng buong sambayanang Pilipino kaya mag-ingat at piliin kung sino ang karapat-dapat na maglingkod sa bansa at sa sambayanang Pilipino.

Leave A Reply

Your email address will not be published.