Abante Tonite Interactive

Simulan sa sarili ang pagbabago

0 177

Dear Abante Tonite:

Disiplina, isang bagay na pilit isinasaksak sa ating isipan ng ating mga magulang simula pa noong ating kamusmusan.

Naaalala niyo pa ba kung papaano kayo disiplinahin ng inyong mga magulang? Marahil kayo ay pinapalo, sinisigawan o kaya naman pinagsasabihan lamang nang paulit-ulit sa tuwing may ginawa kayong hindi maganda.

Ngunit sa kabila ng lahat ng ito, marami pa rin sa atin ang tuluyang kinalimutan at hindi isinabuhay ang salitang disiplina sa kanilang pagtanda.

Bilang resulta, nagsulputan o mas lumala ang mga suliraning ating kinakaharap. Ilan na lamang dito ay ang suliranin sa trapiko at maduduming lansangan. Pati ang ating mga halal na pinuno ay napakahirap na ring pagkatiwalaan. Hindi na natin alam kung sino sa kanila ang totoo sa nagsisinungaling at korap sa hindi.

Marami na sa ating mga opisyal o ahensya ang nagtangkang resolbahin ang mga ito ngunit karamihan din sa mga ito ay nabigo. Paano nga naman kasi natin mareresolba ang mga nasabing suliranin kung hindi natin uumpisahan sa puno’t dulo nito?

Napakaganda ng ating bansa. Napakaraming bagay ang maaaring maipagmalaki. Imbes na sirain natin ito dahil sa kakulangan ng displina, bakit hindi natin sama-samang paunlarin at mas lalo pang pagandahin ang ating bansa?

Mga pinuno at mamamayan, sama-sama at magtutulungan. Walang ibang paraan upang maresolba ang mga isyung panlipunan kung hindi natin sisimulan sa ating sarili. Disiplina, isang simpleng salita ngunit napakabigat pasanin.

Nathaniel Cuachon