Abante Tonite Interactive

Sinampolan ang Beijing

By
277

Muli na namang nagpalitan ng banta sa bawat isa ang Washington at Beijing resulta ng pagbili ng China ng mga eroplanong pangdima at missile sa Russia.

Ayon sa US State Department, agad papatawan ng parusa ang ‘military unit’ ng China na responsable sa pagbili ng Russian ‘fighter plane’ na Sukhoi Su-25 at S-400 surface-to-air missiles mula sa Rosoboronexport, isang kompanyang Ruso na ang negosyo ay magbenta ng mga armas.

Ayon sa Washington, nilabag ng Beijing ang batas ng Estados Unidos na nagpaparusa sa Russia na may kaugnayan sa 2017 US Elections.

Ang batas na ito ay nagbabanta sa lahat ng bansa at kompanya sa buong daigdig na mahaharap sa asunto mula kay Uncle Sam kapag nakipagtran­saksiyon sa mga kompanyang Ruso na may kaugnayan sa depensa at mga armas.

***

Ilang linggo ang nakalilipas, bago bumiyahe ang PDU30 sa Israel at Jordan, isang mataas na opisyal ng Estados Unidos ang bumisita sa Manila at ipinaabot sa gobyernong Duterte ang gusto ni Uncle Sam pagdating sa pagbili ng Pilipinas ng armas sa ibang bansa partikular sa Russia.

Sa mga panahong ito ay nasa Moscow naman si Defense Secretary Delfin Lorenzana para sa isang ‘military arms exhibit,’ bitbit ang ‘wish list’ ng mga armas na kailangan ng Armed Forces of the Philippines.

Maapektuhan kaya anumang transaksiyong naganap – kung meron man – sa pagitan ng Pilipinas at Russia resulta ng ‘sanction’ na ipinatupad ng Wa­shington laban sa Beijing na bumili ng armas sa Moscow?

Kung nagawa ito ng Estados Unidos sa China, na isang ‘economic at military power’ at isang malaking bansa, sa Pilipinas pa kaya?

***

Puwede, dahil kaakibat ng pagpapatupad ng Estados Unidos ng ‘sanctions’ laban sa China, binalaan ng US State Department ang iba pang bansa sa daigdig na papatawan din ng kahalintulad ng kaparusahan sa oras na makipagtransaksiyon sa mga kompanyang Ruso na nasa ‘blacklist’ ng Pentagon.

Hinataw ng Wa­shington ang Beijing, subalit ang hagupit ay abot sa ibang bansa tulad ng Pilipinas dahil mayroon ding transaksiyon sa mga kompanyang Ruso.

Ang gobyernong Amerikano, pagdating sa negosyo ay talagang tuso.

Hanggang ngayon si Uncle Sam pakia­lamero, pati pagbili ng armas ng isang bansa para sa mga sundalo gustong manggaling sa mga kompanyang Amerikano kahit luma at dispalinghado.