Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sinas, Duque, Morales pabigat sa gobyerno

0 138

Hindi man magsalita si Pangulong Rodrigo Duterte na imbudo siya sa mga kontrobersiyal na opisyal sa gobyerno ay nauunawaan ito ng marami.

Siyempre bilang lider at nag-appoint sa kanila posisyon, kailangang manimbang ng Pangulo at hindi maaring sukuan agad-agad.

Katulad na lamang ni Health Secretary Francisco Duque na kahit anong batikos na ang inabot ay nariyan pa rin ang tiwala sa kanya ng Pangulong Duterte.

Kaya para masuportahan ay binigyan niya ito ng mga kasamahang aalalay sa kanya sa tungkulin, katulad ni IATF implementer Carlito Galvez at iba pang kasama sa task force na mga dating militar sa gabinete.

Kanya nga lamang ngayong pati ang Ombudsman ay nabahala na kaya ipina-subpoena ito para kwestyunin sa mga alingasngas sa paggastos ng pondo sa COVID, wala na akong nakikitang rason para kumampante pa siya sa puwesto. Konting kahihiyan na lang sana, magbakasyon o di kaya ay tuluyan nang umalis sa puwesto.

Ito ring si PhilHealth President at CEO Ricardo Morales ay napasabak din sa balitaktakan sa pagitan ni Presidential Spokesman Harry Roque dahil naman sa suhestiyong suspendihin muna ang Universal Health Care dahil wala na raw pondo ang PhilHealth dala ng gastos sa COVID-19.

Kaya naman nagpanting ang tenga ni Roque na isa sa nagtulak sa UHC at kinwestyon ang pamamalakad ni Morales sa PhilHealth.

Inungkat din ni Roque ang malaking pondong nawawala sa PhilHealth pero mariing itinanggi ni Morales at iginiit na walang nawawalang pondo kundi may ilang isyu lang sa mga miyembro katulad ng hindi tamang pag-fill-up ng form at kung anu-anong pang dahilan.

Ang isyung ito sa pagitan nina Roque at Morales ay malinaw na pampasakit na naman ng ulo ng Pangulo.

Bakit kanyo? Imbes na tumulong itong si Morales sa Pangulo dahil sa malaking problemang kinaharap ng bansa dulot ng COVID ay pagtanggi pang ipatupad ang batas na magbibigay tulong medikal sa mga miyembro ng PhilHealth ang kanyang naisip.

Walang pinag-iba sa eskandalong kinasangkutan dati ni NCRPO Chief Debold Sinas na imbes na magpatupad ng health protocol sa kasagsagan ng lockdown ay nauna pang naging pasaway dahil mas binigyang importansiya ang pa-mananita sa kanyang birthday, gayung mahigpit na ipinatutupad ang social distancing at mass gathering.

Kaya hindi na tayo magtataka kung maraming pasaway ngayong panahon ng pandemya dahil mismong mga lider natin ay pasimuno sa pagsuway sa mga ipinaiiral na batas.

Oo nga’t inabsuwelto siya ni Pangulong Duterte sa kinasangkutang eskandalo dahil malamang ay katulad din siya ni Duque na kailangan sa panahong ito para makatulong at masolusyunan ang pagkalat ng COVID-19 Pero sa mga sarili nyo, palagay nyo ba ay nakakatulong pa kayo o pabigat na lamang sa gobyerno?

Naaawa kasi tayo sa Pangulong Duterte na sobrang sipag at lahat ay ginagawa na para mapagtagumpayan ang pagpuksa sa COVID -19 pero ang ilan nyang katuwang ay mga pasaway.

Leave A Reply

Your email address will not be published.