Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sinas pardon na sa mañanita

0 385

Inabsuwelto ni Pangulong Rodrigo Duterte si Philippine National Police (PNP) Director General Debold Sinas sa isinagawang mañanita o birthday serenade para sa kanya noong Mayo habang lockdown sa National Capital Region.

Sakali man aniyang mapatunayan na may kasalanan si Sinas ay ipa-pardon niya ito.

“Hindi kasalanan ng pobreng Sinas na ‘yan na pumunta sila [mga pulis] doon. Hindi naman niya alam. Mañanita nga, surprise. Alang-alang namang sipain niya doon. At kung may kasalanan siya doon, pardon na siya,” pahayag ng Pangulo sa televised speech nitong Sabado.

“Wala akong nakitang kasalanan na masama, na may moral implications, may masamang malisya,” dagdag niya.

Sabi pa ni Pangulong Duterte, maliit na bagay lang iyon dahil masipag namang magtrabaho si Sinas hindi katulad ng mga korap na opisyal.

“Maliit na bagay iyon [mañanita]…diyan ako galit sa mga corrupt iyong hanggang ngayon nasa labas pa. Si Sinas nagtatrabaho iyan,” anang Pangulo.

Naging isyu ang isinagawang mañanita para kay Sinas noong ito pa ang hepe ng National Capital Region Police Office na ginanap sa kanilang headquarters sa Taguig City dahil paglabag umano ito sa mga health protocol na pinatutupad laban sa COVID-19 katulad ng pagsusuot ng face mask at social distancing. (Issa Santiago)

Leave A Reply

Your email address will not be published.