Abante Tonite Interactive

Sinaunang kaharian ng Lupah Sug, itinaas muli ang watawat

418

Itinaas at iwinagayway muli ang watawat ng sinaunang kaharian ng Lupah Sug na sinasabing mas nauna pa sa Sultanato ng Sulu at Hilagang Borneo.

Ang muling pagtataas ng watawat ay sinaksihan ng napakaraming residente sa lugar na pawang Muslim at iba’t ibang opisyal sa pangunguna nina Raja (Hari) Mohammad Ghamar Mamay Hasan Abdurajak Shariff Al Sultan Ghamar Bin Abdul Ghapar Jama­lul Kiram III, ika-34 Sultan ng Sulu at Hilagang Borneo at ika-16 Sultan ng Timog Silangang Asya, Sovereign Judge ng Federal Republic ng Lupah Sug at ang Hari ng Royal Imperial Lupah Sug Islamic United Kingdom ng Sulu at North Borneo.

Kasama si Queen Maria Makiling Helen Fatima Nasaria Panolino Abdurajak Ju Xi Mulan Helen Bin Raja Baginda Ali Abdurajak, Reyna nang kapuluan ng Pilipinas, Maphilindo Ma, 63, Ang Sovereign Judge ng Republic ng Lupah Sug at Reyna ng Royal Imperial Lupah Sug Islamic United Kingdom ng Sulu at North Borneo.

Muli nang naitatag ang dating bansa sa pamamagitan ng pagwawagayway muli ng watawat nito at pag-awit ng pambansang awit na sinasabing pinagkopyahan ng pambansang awit ng Pilipinas na “Lupang Hinirang” dangan lamang ay nakaliwat ito sa wikang Tausug.

Dahilan sa naitatag nang muli ang bansa, sa loob ng isang bansa gaya ng Vatican sa Roma Italya, Luxemburg sa Pransya at Timor Leste sa Indonesia, inaasahang isang matunog na ingay ang idudulot ng pagpapahayag na ito ng isang bagong bansa sa mga bansang nakakasakop na rito gaya ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia, maliban sa Brunei Darussalam at Singapore.

May Selyo, Watawat, Hukbong Sandatahan at tiyak na mga teritoryo ang bagong bansang may pangalang Federal Republic of Lupah Sug na kinabibilangan ng Mindanao, Sulu at Palawan para sa Pilipinas, Sabah at Sarawak para sa Malaysia at Kalimantan at Bulungan ng Indonesia.