Abante Tonite Interactive

Sinayang mo ang pagkakataon

By
0 2,501

Para kay Vice President Leni Robredo, walang silbi at hindi nagpakalma sa paghihirap ng taongbayan ang pagharap ni Pangulong Rodrigo Duterte sa sambayanang Pilipino nu’ng kamakalawa.

Sa halip, ayon kay Robredo, sinayang lamang umano ni Pangulong Duterte ang pagkakataon na pakalmahin ang taongbayan kaugnay sa samu’t saring problemang kinakaharap ng bansa partikular na ang problema sa mataas na presyo ng mga bilihin lalo na ang bigas.

Ang pagharap ng pangulo sa publiko ay sa pamamagitan ng interview sa kanya ni Chief Presidential Legal Counsel Secretary Salvador Panelo.

Ayon kay Robredo, wala siya anumang narinig mula sa pa­ngulo na may ginagawa itong solusyon upang tugunan ang mga problema at pakalmahin ang pagkabahala ng taongbayan.

“Maraming sinabi iyong ating Pangulo pero nasasayangan tayo sa pagkakataon. Iyong sa aking inaasahan sana, napakalaking pagkaka­taon iyon para i-address iyong pagkabahala ng taumbayan tungkol sa kahirapan na pinagdadaanan natin ngayon sa ating ekonomiya,” ayon kay Robredo.

Ang inaasahan umano niya na aminin o tanggapin ng pangu­lo na may problema at kung ano ang ginagawang solusyon ng kanyang pamahalaan ay hindi niya narinig o nasabi man lamang ng pangulo.

Higit na ikinadismaya pa ni Robredo ay ang pagtuon ng pansin ng pangulo sa away nila ni senador Antonio Trillanes IV na hindi naman makakatulong sa kahirapang kinakaharap ng bansa.