Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sindikato ng Badjao bistado sa Pier

0 266

Binuking ni Manila Mayor Isko Moreno na may sindikato umanong nag-o-operate sa likod ng pagdami ng mga Badjao na namamalimos sa iba’t ibang panig sa Metro Manila.

Ito’y matapos maharang ng pinagsanib na team ng Manila Police District, Special Mayor’s Reaction Team at Social Welfare Department ang may 280 Badjao pagdating sa Pier 2 sa Tondo, Maynila.

Ayon kay Moreno, kilala na ang mga miyembro ng sindikato at sa sandaling makumpirma ang pagkakilanlan ay kaagad na aarestuhin ang mga ito.

Nabatid na apat sa 280 Badjao na mula sa Mindanao ay nagpositibo sa COVID-19.

Ang mga Badjao ay kinakalap umano ng sindikato at pinangangakuan ng magandang buhay sa Maynila at saka pinagpapalimos at dinadala sa isang lugar.

“Nagtataka mga taga-Maynila, despite na kinukuha natin ang mga homeless mag-iisang taon na, bakit ang dami pa ring umiikot, homeless at namamalimos sa kalsada?” ayon kay Moreno.

Kabilang umano sa mga nasabat na Badjao ang ilang babae na bitbit pa ang kanilang mga sanggol, bata, matanda at kalalakihan.

Sabi ng alkalde, nakatanggap sila ng tip na may darating na mga Badjao mula sa Mindanao sa Pier at nang antabayanan ay nagpositibo sa sakit kaya dinala sila sa pasilidad ng lungsod habang isinasailalim sa checkup at swab test.

“Out of 280 na Badjao na may mga dalang sanggol, may apat nag-positive sa test. Imagine, magkakasama sila, may mga dalang sanggol. Nakakalungkot talagang may mga walanghiya pa rin na walang pakundangan, para bang hindi takot sa COVID.”

“Sa aming pagsisiyasat, alam na namin. ‘Pag confirmed na, kakalawitin natin ang mga talipandas at tolongges na ‘yan,” sambit ni Moreno.

Sa kasalukuyan ay binigyan ng masisilungan at pagkain ang mga Badjao bago ibalik sa kanilang pinagmulan. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.