Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sindikato sa investment scam nabuwag

0 96

Pinosasan ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) ang limang scammer na sinasabing nanghihikayat sa publiko na mag-invest kapalit ang malaking tubo sa Quezon City.

Kinilala ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin ang mga suspek na sina Bernie Limpiada, Marvin Ojeda, Glory Ann Pillora, Sison Inocencio, at Rogelio Fambuena.

Nabatid na gamit ng ‘sindikato’ sa kanilang panggogoyo ang Agri-Wealth Farm Ventures Inc. at nag-aalok sila sa publiko ng 160% kita sa investment sa loob lang ng 100 araw.

Nagpanggap silang pagmamay-ari ng kompanya ang 20 ektarya ng high-yielding aqua farm ng mud crabs at tiger prawns sa Hagonoy, Bulacan, at dito nila nililibot ang mga posibleng investor sa kanilang scam.

Gayunman, sa imbestigasyon ng NBI, nalaman sa Security Exchange Commission (SEC) na ang Agri-Wealth ay hindi nakarehistro bilang korporasyon.

SM food to go Banner Ad

Hindi rin sila inisyuhan ng SEC ng pangalawang lisensiya bilang lending company, broker o dealer ng securities, dealer sa securities ng gobyerno, tagapayo ng pamumuhunan at hindi rin nag-apply ng aplikasyon para sa pangalawang lisensiya sa SEC.

Nabatid na ikinasa ng NBI ang entrapment operation laban sa mga suspek sa isang restaurant ng mall sa Quezon City kung saan nakipagkita si Limpiada na siyang tumanggap ng ‘investment money,’ na iniabot kay Pillora na umano’y System Administrator ng kompanya, habang si Sison naman ang umano’y Project Manager.

Sa puntong ito, inaresto ang tatlo ng mga nakaantabay na ahente ng NBI.

Habang ang iba nilang kasamahan ay naaresto rin sa isang entrapment operation sa New Manila, QC.

Sinampahan ang mga suspek sa Quezon City Prosecutor’s Office ng kasong paglabag sa Securities Regulation Code. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.