Abante Tonite Interactive

Singer-actor palyado ang boses

564

Hindi lang ipinagmamakaingay ng mga kilalang musikero pero totoong-totoo palang de-kahon lang ang kapasidad sa pagkanta ng isang guwapo, sikat at kinakikiligang singer-actor.

Sila ang nakakaalam kung magaling o hindi ang isang singer, sila kasi ang namamahala sa recording, sukat na sukat nila ang kakayahan ng isang singer lalo na sa live performance.

Kuwento ng aming source, “Limited lang ang singing capacity nu’ng sikat na actor-singer, hindi siya puwedeng ilaban nang sabayan sa ibang singers,dahil siguradong mapag-iiwanan at mapapahiya lang siya!

“E, sa recording nga, hindi alam ng mga fans niya na bago siya makabuo ng isang kanta, e, katakutakot na pagdurusa ang inaabot ng voice coach niya at ng mga sound engineers!

“Para silang magagaling na chef na nagdadagdag at nagbabawas ng kung anu-ano para lang tumama ang timpla ng tono ng boses ng tiniti-liang guwapong singer-actor na ‘yun!

“Dusa talaga, piling-pili na nga ang mga piyesang puwede niyang kantahin, e, hindi pa niya makuha-kuha ang tamang tono! Kaya nga sa mga personal appearance niya, kapag hindi na niya maabot ang nota ng song, e, sisigaw na siya agad, ‘Kayo naman!’

“Alam na this! Lalapit na siya sa audience, pakakantahin niya, libre na nga naman siya! E, ang mga tilian pa, napakalaki ng advantage niya bilang isang singer!

“Hindi nahahalata ng audience na palyado ang voice niya! Ang akala lang ng maraming manonood, e, may audience participation siya!

“De-kahon lang ang capacity niya, hindi niya kayang makipagsabayan, lalo na sa mga spot numbers niya, siguradong nasa lalamunan ang balls ng mga nakakaalam kung hanggang saan lang siya!

“Buti na lang at sikat at guwapo ang papa n’yo, dahil kung hindi, e, ‘yun na!” pagtatapos ng aming impormante.
***
Gabi ng gapangan?

Bukas ay araw na ng paghuhukom sa kasaysayan ng pulitika sa ating bayan. Siguradong ngayon pa lang ay parang mga pusang hindi na maihi ang mga kumakandidato, parang gusto na nilang hilahin ang mga oras, para magkaalaman na kung panalo o talo sila.

Ngayong gabi ang tinatawag na “last night of the world” sa mundo ng pulitika. Ngayong gabi gumagalaw ang mga taong may inaasintang posisyon, ngayong gabi ang gapangan, ang bilihan ng boto.

Sabi ng isang matandang botanteng minsan naming nakakuwentuhan, “‘Yung gapangan sa huling gabi bago mag-eleksiyon, kasingtanda na ‘yun ng mga lelong at lelang natin.

“Totoong may ganu’n, totoong nangyayari ang ganu’n, pinaghahandaan talaga ng mga pulitiko ang pinakahuling gabi,” sabi nito.
***

Hit song ni JK hiwalay sa kabastusan

Tanong ng isang kaibigan namin, “Bakit paulit-ulit n’yong pinatutugtog ang song ni JK Labajo sa programa n’yo? Hindi ba, salbahe siya?

Gusto naming maging parehas. Oo nga at nabahiran ang imahe ng young singer dahil sa pagmumura niya sa entablado ay ihinihiwalay namin ‘yun sa pagkagusto namin sa kanyang piyesang “Buwan.”

Bihirang-bihira kasi kami magkagusto sa mga kantang angat na ang tono ay napakamakahulugan pa ng mga liriko. Parang hinabing tula ang mga linya ng “Buwan” na nilapatan ng tono.

Kung naging bastos man si JK Labajo sa pagmumura nang lantaran ay hindi namin idinadamay ang kanyang kanta. Kakaiba para sa amin ang “Buwan,” hindi madalas mangyari ang ganu’ng kumbinasyon, malakas ang hatak sa amin ng markadong kanta ni JK na ultimo uhuging bata ay kinakanta-kanta na ngayon sa videoke.

Simple lang ang pagkukumpara. Naniniwala kaming suplado si Bamboo, feeling-pinakama-galing ang singer, pero pinapalakpakan namin ang kanyang mga piyesa.