Abante Tonite Interactive

Singil sa kuryente tataas

148

Magmamahal ang singil sa kuryente ngayong Nobyembre ng 47.17 sentimo per kilowatt hour na katumbas ng pagtaas na P94 sa monthly bill ng mga pamilyang kumokonsumo ng 200kWh sa isang buwan.

Ayon sa Manila Electric Company (Meralco) ni Manuel V. Pangilinan, aakyat sa P9.5579 per kWh ang singil ngayong Nobyembre mula sa P9.0862 nu’ng Oktubre.

Sinisi ng Meralco ang mas mahal na kuryente sa mahal na presyo sa Wholesale Electricity Spot Market.

Ayon sa Meralco, nagmahal ng P3.8016 per kWh ang presyo sa WESM dahil kaunti ang suplay nang mag-shutdown ang Malamapaya natural gas facility mula Oktubre 12 hanggang Oktubre 15 na pinalala pa nang sinabayan ng mga outage ng iba pang mga planta noong Oktubre 14 at 15.

Nasa 16% ng kuryenteng ginagamit ng Meralco ay galing sa WESM.

Bumaba naman ang kuryente mula sa mga independent power producer (IPP) ng 4.76 sentimo per kilowatt hour. Nasa 39% ng kuryente ng Meralco ay galing sa mga IPP at ang natitirang 46% ay mula sa power supply agreement na nauna nang isinara sa mga generation company.

Nasa 26.43 sentimo per kWh naman ang binaba ng singil ng mga PSA.

Sabi ng Meralco, nagmura rin ang transmission charge ng 7.67 sentimo per kWh dahil sa pagbaba ng ancillary service charges ng National Grid Corp. of the Philippines at bumaba rin ang mga buwis at iba pang charges na binabayaran ng 5.73 sentimo per kWh. (Eileen Mencias)