Abante Tonite Interactive

Singing modista nakakawindang ang pananamit

By
3,166

The singing modista ang tawag ng kanyang mga kasamahan sa isang kilalang female personality. May kakaiba kasi siyang trip. Agaran niyang nababago ang itsura ng kanyang outfit.

Darating siya sa variety show na naka-hanger pa ang kanyang mga isusuot. Magandang blouse at pantalon. Kung minsan naman ay gown ang bitbit ng kanyang PA.

Pero habang nasa dressing room pala ang maga­ling na female performer ay nagpapanggap siyang modista, binabago niya ang tabas at disenyo ng mga isusuot niya dapat sa show, nagugulantang na lang ang mga staff na nagiging saksi sa kanyang trip.

“Ibang klase si ____(pa­ngalan ng female singer)! Meron na siyang magiging hanapbuhay kapag naisipan na niyang mag-quit sa pagkanta! Puwede siyang ma­ging magaling na designer o mananahi!

“Imagine, darating siyang long sleeves ang dala-dala niya, saka pantalon na simple lang! Kapag tinawag na siya para sa kanilang production number, e, ibang-iba na ang outfit niya!

“Ang pantalon, e, naging shorts na, meron nang mga sequins, nagniningning na! Ang long sleeves naman na bitbit niya, e, nawalan na ng manggas. Ginawa na niyang cowboy outfit, pero mas maloloka kayo sa ginagawa niya sa dala-dala niyang gown!

“Pinuputol niya ‘yun para maging dress na lang, nakapanghihinayang ang gown na ang ganda-ganda, tapos, e, gagawin lang pala niyang mini skirt? Nakakaloka ang babaeng ‘yun! Isa siyang modista!” tawa nang tawang kuwento ng aming source.

Madalang nang mapanood ngayon ang female personality na mula sa pamilya ng mga musikero. Marami siyang pinsan sa mundo ng pagkanta, nakapangasawa rin siya ng isang musikero, pero nagkahiwalay rin sila agad.
Karakter ang babaeng ito!

Cesar mabilis maghugas-kamay

Narinig na natin ang boses ng mga dating kasamahan ni Cesar Montano nu’ng nakaupo pa siya bilang tagapamuno ng Tourism and Promotions Board ng DOT.

Hindi kagandahan ang mga komentong ipinukol ng mga ito laban sa aktor, tinawag nilang walang utang na loob si Cesar Montano sa mga kamay na nagpala sa kanya, kakambal ang bintang na napakabilis niyang naghugas-kamay para malusutan niya ang daang milyong halaga na kinukuwestiyon sa pinamunuan niyang opisina ng Department of Tourism.

Nagkadagta ang pangalan ni Cesar Montano, kahit minsan ay hindi siya nasangkot sa usapin ng pananalapi nu’ng artista pa lang siya, pero nang tanggapin niya ang posisyon sa gobyerno ay ganito ang kinahinatnan niya.

May mga umuupak sa aktor, kung paanong ipinagtatanggol din naman siya ng mga taong nakakakilala sa kanya mula ulo hanggang paa, malayo raw sa karakter ni Cesar Montano ang pagkamkam sa perang hindi naman kanya.

May mga nagkokomento rin na hindi kasi nag-ingat si Cesar sa pamimili ng mga taong pagkakatiwalaan niya, itinuturo ng marami ang isang tauhan niya na hindi iba sa kanya na tala­gang gumalaw ng pera, ‘yun daw ang kailangang sumailalim sa imbestigasyon ngayon sa pamunuan ni Secretary Berna Romulo-Puyat.

Naiisip ngayon ng mga taga-showbiz, ano raw kaya ang nararamdaman ngayon ni Sunshine Cruz, ang nakahiwalay niyang misis? Ang kanyang mga anak, ano kaya ang damdamin ngayon ng mga anak nila ni Sunshine, hanggang sa kanilang pagdadalaga hanggang sa kanilang pagtanda ay siguradong may makakaalala pa rin sa kuwento ng katiwaliang kinasangkutan ng kanilang ama.

Ang kinis-kinis pa naman ng kartada ng pangalan ni Cesar Montano bilang aktor. Angat na angat na ang kanyang pangalan at kapasidad kumpara sa iba.

Pero ang gandang ‘yun ng kanyang pangalan ay masisira lang pala sa pagkopo niya ng upuan sa gobyerno. Nakapanghihinayang.