Abante Tonite Interactive

Siniraan sa social media

0 274

Dear Atty. Claire,

Good afternoon po!

Itatanong ko lang po kung tama ba na tawagan ng isang ­lending company ang lahat ng contact ko para lang ipaalam na hindi ako nakakabayad sa aking utang gamit ang social media?

Salamat po.
Russel

Dear Mr. Russel:

Ang paniningil ng utang ay karapatan ng isang nagpautang upang sila ay mabayaran. Maaari silang magpadala ng demand letter. Kung hindi magbabayad matapos ­matanggap ang demand ­letter na pinadala sa ­kanya ay maaari nang magsampa ng kaso na ­collection of sum of money with damages sa korte upang pati ang danyos ay masingil din dahil sa hindi pagbabayad sa oras.

Ngunit ang paggamit ng social media upang ipahiya ang nangutang sa publiko ay hindi pinapayagan ng ating batas. Sa ngayon ay iyan ang ginagawa ng mga collection agency upang mapilit nila ang mga umutang na magbayad ng utang nang hindi na magsasampa pa ng kaso sa korte.

Sa ganitong paraan sila makakaiwas sa iba pang gastusin tulad ng filing fee, pagpapa-serve ng summon, bayad sa abogado, at iba pa.

Ang mga collection agency ay madalas na nababayaran ng nagpapasingil mula sa masisingil nila. Porsiyento ng halagang masisingil nila ang matatanggap nila kaya sa kahit na anong paraan ay gagawin nila upang makasingil na kahit pa ipahiya pa nila ang siningil.

Ang pamamahiya ng tao gamit ang gadget o social media ay sakop ng Republic Act No. 10175 o Cybercrime Prevention Act of 2012 (RA 10175). Ayon sa Section 4, paragraph 5 (Misuse of Devices):

(4) Libel. — The unlawful or prohibited acts of libel as defined in Article 355 of the Revised Penal Code, as amended, committed through a computer system or any other similar means which may be devised in the future.

Ayon sa Revised Penal Code, ang libel ay “public and malicious imputation of a crime, or of a vice or defect, real or imaginary, or any act, omission, condition, status or circumstance tending to cause dishonor, discredit or contempt of a natural or juridical person, or to blacken the memory of one who is dead.”

Ang paninira nila sa iyo sa publiko ay hindi parte ng paniningil nila ng utang. Ang tanging dahilan dito ay upang ipahiya ka at masira ang buong pagkatao mo.

Maaari kang mag­sampa ng kaso at makipagtulungan sa Cybercrime Division ng National Bureau of Investigation (NBI) upang malaman mo ang detalye ng mga taong nasa likod ng pamamahiyang iyan.

Ngunit magandang ipaalam mo rin sa pinagkautangan mo na magbabayad ka at hindi na kailangan pang humantong sa pamamahiya online.

***

Kung may katanungan pa ay tumawag lamang sa 8419-7624/8922-0245 o mag-email sa attorneyclaire@gmail.com.