Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sinisilip sa ratratang 4 tumimbuwang: PDEA, PNP pinagsabong ng sindikato

0 115

Posible umanong na-set up ng sindikato ng iligal na droga ang mga pulis at ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dahilan upang magbarilan ang dalawang panig sa labas ng Ever Gotesco sa kahabaan ng Commonwealth sa Quezon City kamakalawa ng gabi.

Ito umano ang isa sa mga tinitingnang anggulo ng Board of Inquiry (BOI) na binuo para malaman ang tunay na pangyayari sa naganap na engkwentro, ayon kina PDEA Director General Wilkins Villanueva at Philippine National Police (PNP) chief General Debold Sinas.

“It is too early to say that we were toyed with (by drug syndicates), this is the subject of our investigation. But it is possible that we were toyed with here,” sabi pa ni Sinas.

Tikom naman ang PDEA at PNP hinggil sa tunay na pangyayari dahil lahat ng tanong ng media hinggil sa naganap na engkwentro ay pawang sagot nila ay patuloy ang ginagawang imbestigasyon upang lumabas ang katotohanan kung ano ang tunay na pangyayari.

Apat ang nasawi na kinabibilangan ng dalawang pulis mula sa District Special Operation Unit (DSOU) ng Quezon City Police District, isang ahente ng PDEA at ang informant nila habang apat pa ang sugatan sa dalawang panig.

Samantala kinumpiska na rin ng BOI ang lahat ng mga cellphone ng mga sangkot para sa forensic examination gayundin ang mga malalakas na kalibre ng baril at mga basyong bala na nakuha sa lugar ng insidente.

Kasalukuyang pinipigil ang 10 pulis at 7 PDEA agent sa Criminal Investigation and Detection Group na pawang sangkot sa engkuwentro upang magbigay ng kanilang salaysay hinggil sa pangyayari. (Edwin Balasa)

Leave A Reply

Your email address will not be published.