Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sinita 7 senglot, pulis sinapak

0 169

Sugatan ang isang lalaki matapos na makaganti ng putok nang sapakin at tangkaing barilin ang isang pulis Maynila na rumesponde para awatin ang nauna at 6 pa niyang kasama na sinasabing lumilikha ng kaguluhan habang nag-iinuman, Linggo ng gabi, sa Tondo, Maynila.

Kabilang sa mga inaresto sina Vicente Ubias, Ruben Diño, Flaviano Aron Jr., Eduardo Ubias, Richard Melo, Agrifino Esteroza Jr., at Robert Badong.

Sa imbestigasyon ng Manila Police District-Police Station 1, naganap ang insidente alas-9:30 ng gabi, kamakalawa, sa Mel Lopez Blvd., Tondo.

Nabatid na humingi ng police assistance ang tanod na si Ronald Cusay ng Brgy. 101 dahil sa grupo ng kalalakihan na nag-iinuman at lumilikha aniya ng kaguluhan.

Kaagad na rumesponde sina P/Cpl. Marvin Floyd Aguilar at Pat. Boy Apostol at dahil dalawa lamang sila ay tumawag ng backup si Apostol.

SM food to go Banner Ad

Habang sinasaway ang mga suspek, sinapak umano ni Vicente si Apostol at nang bumagsak ang huli ay bumunot ang nauna ng baril at pinaputukan si Aguilar.

Nagmintis ang baril kaya nagawa ni Aguilar na mabunot ang kanyang baril at saka pinaputukan ang suspek na tinamaan sa hita.

Nang dumating ang backup na mga pulis ay inaresto ang mga suspek habang dinala sa pinakamalapit na pagamutan si Vicente.

Nahaharap sa Direct Assault, Attempted Murder, RA 10591, Breach of Peace, at RO 5555 ang mga suspek sa Manila Prosecutor’s Office. (Juliet de Loza-Cudia)

Leave A Reply

Your email address will not be published.