Abante Tonite Interactive

Sinita sa yosi, nahulihan ng shabu at balisong

By
1,512

Huli ang isang lalaki matapos sitahin dahil sa paninigarilyo sa kalsada ngunit nang kapkapan ay nahulihan pa ng droga at balisong, sa Marikina City kahapon ng madaling-araw.

Nahaharap ngayon sa mga kasong paglabag sa City Ordinance, Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Omnibus Election Code dahil sa pagdadala ng balisong ang suspek na si Raymond Dotig y Tamonan, walang trabaho, nasa hustong gulang at residente ng Brgy. Marikina Heights.

Batay sa report, sinita ang suspek bandang alas-tres ng madaling-araw sa kahabaan ng Champagnat St. corner Narra St., Brgy. Marikina Heights ng nagpapatrulyang mga tauhan ng Police Community Precinct 9.

Nang hanapan ng identification card ay nahulog umano mula sa suspek ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu kaya agad na kinapkapan ito at doon nakita rin ang isang balisong sa kanyang pantalon.

Binitbit sa himpilan ng pulisya ang suspek at inihahanda na ang mga kaso na isasampa laban sa kanya. (Vick Aquino)