Abante Tonite Interactive

Sinitang walang helmet, rider nanapak ng enforcer

281

Arestado ang isang rider matapos manapak ng traffic enforcer makaraang sitahin dahil walang suot na helmet kamakalawa sa Barangay Bagong Ilog, Pasig City.

Sa nakalap na report mula sa tanggapan ng Eastern Police District (EPD), nakilala ang suspek na si George Novo y Flores, 43-anyos, painter, taga-Pasig City at nahaharap sa kasong physical injury matapos ireklamo ni Noel Santiago y Jacinto, 40, miyembro ng Traffic and Parking Management Office (TPMO).

Naganap ang insidente bandang alas-4:50 Miyerkoles ng hapon sa C5 Road corner Pasig Blvd., Brgy. Bagong Ilog, habang naka-duty ang biktima at pinara ang nasabing rider dahil walang suot na helmet.

Hiningan niya ito ng lisensya at imbes na sumunod ay agad na pinaharurot ang motorsiklo.

Nahuli naman ang rider sa tulong ng mga kasama ng traffic enforcer subalit nagawang manapak ng suspek at tinamaan sa mukha ang biktima. (Vick Aquino)