Abante Tonite Interactive

Sino ang direktang masasaktan?

By
546

Napakainit pa rin ng isyu tungkol sa mga insidente ng sapilitang pagkuha sa mga huling isda ng mga Filipinong mangingisda sa Panatag o Scarborough Shoal.

Ang pagtuligsa sa gobyerno ni PDu30 ay patuloy dahil sa pakikipagkaibigan sa China.

Ayon naman sa taga­pagtanggol ng Malacañang, noon ay naging ‘maingay at palaban’ ang paraan ng administrasyong Aquino, tuloy nagdusa ang mga ma­ngingisdang Pinoy.

Abante Hiring – IT dep

Mas pinakinggan ang bulong at payo ni Senador Antonio Trillanes habang nagkakagirian noon sa Scarborough Shoal. Ang resulta, kalbaryo para sa mga ma­ngingisdang Filipino.
***
Bakit parang biglang dumami ang mga politikong nagmalasakit sa kabuhayan at kalagayan ng mga mangi­ngisda? Sa loob ng nakaraang 5 taon, noong hindi makapanghuli ang ating mga mangi­ngisda sa Panatag Shoal, bakit hindi nag-ingay o bumulong man lamang, ang mga ‘magagaling’ nating politiko?

May nangalampag ba sa mga nakaraang administrasyon na dagdagan ang pondo para sa pagbili ng mga ‘patrol ship’ at pag-recruit ng mga bagong miyembro ng Philippine Coast Guard at Philippine Navy?

Naging agresibo ba ang gobyerno noon sa paghahanap ng solusyon para ayusin ang kondisyon ng mga bangka at ibang gamit sa pangingisda?

Nagtatanong lang po.

***
Sa usapin ng West Philippine Sea o South China Sea, hindi para­mihan ng protesta ang labanan o pagpapaka­wala ng mga maaanghang na salita, ang bukas na komunikasyon para sa lahat ng mga ‘stakeholder’ ang dapat.

Tumatakbo na ang pag-uusap sa pagitan ng Beijing at Manila. May mga batayang mekanismo ang inilalatag kung hindi man ay nailatag na para agad maaksiyonan ang mga problema o sitwasyon na mangyayari, tulad ng insidente sa pagitan ng Chinese Coast Guard at mga mangingisdang Pinoy.

Sa totoo lang, sa dami ng nag-iingay at nagmamarunong sa isyu. Mula sa hudikatura, lehislatura at pati ‘yung galing sa nakaraang mga administrasyon.

***
Dapat pakinggan din ang mga sinasabi ng ating mga mangingisda. Sa pagbisita sa Malacañang kamakailan, malinaw, seryoso at walang halong pambobola ang mensahe ng mga ma­ngingisda.

Ayaw nilang magutom ang kanilang pamilya, mas maginhawa na ang kanilang pangingisda ngayon kumpara nu’ng mga nakaraang taon.

Bagama’t dumanas ang ilan sa kanila ng ‘pangingikil’ sa karagatan, hindi ito kasing tindi ng epekto ilang taon na ang nakakalipas na hindi makapangisda sa Panatag Shoal dahil nakamasid ang Chinese Philippine Navy.

Ang mga mangi­ngisdang Pinoy ay humihingi ng tulong sa gobyerno na maayos ang problema sa lalong madaling panahon.
Sino ba ang direktang masasaktan kung magkagiriang muli sa Panatag Shoal?

Kayo na ang humusga.