Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sino ang sorpresa sa 2022?

0 525

Parang pelikula mga tropapips na “all star cast” ang mga pumapalong pangalan ng mga posibleng maging senador sa May 2022. Pero ang magandang abangan, sino kaya ang magkakaroon sa kanila ng malaking sorpresa?

Kahit parang sasakyan na pupugak-pugak mga tropapips ang andar ng vaccination program natin, tiniyak naman ng Commission on Elections (Comelec) na tuloy ang May 2022 national elections. 
Ano kayang mangyayari kung subukan nilang huwag ituloy?

Iyon nga lang, malamang na may malaking pagbabago sa paraan ng pangangampanya at botohan. Dahil tiyak na limitado ang face to face na kampanya, aba’y dapat sigurong mag-aral na ang mga tatakbong senador kung papaano mag-Tiktok para maging viral sila at maalala ng netizens.

Siyempre kung walang mga kampanya sa plaza kung saan kumakanta at sumayaw ang kandidato, aba’y sa social media na lang sila mang-aliw ng botante. Pero malamang na babaha rin ng komersiyal sa tv, radyo, at internet ang mga kandidato.
May mga pangamba kasi na baka maging delikado at dumami ang hawahan ng COVID-19 sa Pilipinas sa panahon ng pangangampanya kung marami pa ring mga Pinoy ang hindi matuturukan ng bakunang pangontra sa virus.

Sabi noon nina Health Secretary Francisco Duque III at Vaccine zcar Carlito Galves, makakamit daw natin ang “herd immunity” bago matapos ang 2021. Ibig sabihin nito, 70 milyon Pinoy ang dapat mabakunahan.
Kaya lang, parang pangarap na lang ang target na ‘yan mga tropapips dahil hanggang ngayon eh nanlilimos pa rin tayo ng mga bakuna at puro “to arrive” at “to close the deal” ang nadidinig natin.

At kung wala pa tayong “herd immunity” pagsapit ng panahon ng kampanya sa unang bahagi ng 2022, baka matulad tayo sa India na kinakabayo ngayon ng COVID dahil sa dami ng tinatamaan ng virus. 

Isa kasi sa itinuturong dahilan kaya dumami ang hawahan sa India eh yung payagan ang face to face campaign sa eleksyon nila kahit wala pa silang “herd immunity.” Bukod pa roon ang pagpayag sa iba pang matataong okasyon tulad ng mga palaro at religious gathering.

Buweno, sa isang survey na inilabas ng Pulse Asia, aba’y matitindi ang pangalan na lumutang. Ang nasa no. 1 hanggang 15 na sinasabing mananalo kung ginawa ang halalan sa panahon na ginawa ang survey noong  Pebrero 22 hanggang Marso 2, 2021 eh sina: Manny Pacquiao, Isko Moreno, Raffy Tulfo, Sara Duterte, Francis Escudero, Loren Legarda, Alan Cayetano, Bong Marcos, Ping Lacson, Migz Zubiri, Willie Revillame, Jinggoy Estrada, Sherwin Catchalian, Jojo Binay, at Kiko Pangilinan.

Nasa pang-16 hanggang 20 naman sina Dick Gordon, Risa Hontiveros, JV Ejercito, Vilma Santos-Recto, at Mar Roxas. 

Kapansin-pansin mga tropapips na sa mga re-eleksyunista, at tanging wala sa tinatawag na striking distance ng mga posibleng manalong senador si Sen. Joel Villanueva, na pang-24 sa survey, bagay na ipinagtataka ng ilang kurimaw nating mahilig mag-analisa ng mga survey. 

Kung tutuusin, tiyak na mababawasan pa ang mga listahan ng mga nasa mataas na puwesto ng survey. Ilan kasi diyan ay posibleng tumakbong presidente o bise presidente, o kaya eh wala talagang balak
na tumakbo.

Kaya ang tanong, sino kaya sa mga nasa “ilalim” ang gagawa ng sorpresa? Maulit kaya ni Villanueva ang ginawa niya noong 2016 elections na mula sa labas ng winning circle sa survey eh biglang naging No.2 sa araw ng eleksiyon? Abangan! Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.