Abante Tonite Interactive

Sino ang tunay na mga nuisance candidate?

242

Marami ang pumalag sa panukala ni Sen. Win Gatchalian na parusahan ang mga “nuisance candidates” o panggulo na pinagtitripan lang ang paghahain ng certificate of candidacy (COC).

Sa ilalim ng panukala, pagmumultahin ng P50,000 ang sinumang mapapatunayang pinag­lalaruan ang paghahain ng COCs.

Sa tingin ko naman, marami ang pabor dito kasi nga naman parang ginagawang katatawanan lang ang proseso sa paghahain ng COC. Ika nga, parang trip-trip lang ang kanilang ginagawa, nagpapansin parang maging laman ng diyaryo o mapanood sa TV.

Saan nga nga naman nakakita ng kandidato na ginamit pang nickname ang pangalan ni “Jesus Christ” sa kanyang paghahain ng COC. May iba namang dati daw siyang boyfriend ni Kris Aquino at ni Mocha Uson. Meron pa nga isang kandidato na isa raw siyang maharlika.
Maganda itong panukalang ito pero sa halip na multang P50,000 mas mainam sigurong i-blacklist na lang ang mga nuisance candidate na paulit-ulit na lang ang paghahain ng kanilang COC tuwing papalapit ang eleksiyon.

Kung first time lang siguro, puwedeng bigyan na lang ng warning. Pero kung umulit pa, aba’y huwag na lang sigurong i-entertain ng Comelec. Madali naman lamang ‘yan dahil makikita sa kanilang records kung ang isang kandidato ay nadeklara nang nuisance o hindi.

Para naman maiwasan ang pagdagsa ng nuisance candidates, mas maganda rin kung tataasan ng Comelec ang qualification ng mga tatakbong kandidato. Halimbawa, ang mga kuwalipikadong kandidato ay college degree holder. Sigurado naman dito pa lang ay maiiwasan ang pagdagsa ng mga nuisance candidate sa paghahain ng COC.

Sabi nga nila, bagama’t ginagarantiyahan ng 1987 Cons­titution ang pantay na karapatan at oportunidad para sa public service, nakasaad na ang pagtakbo sa public office ay isang pribilehiyo at hindi isang karapatan.

Kaya lang meron ding ilang kumontra sa panukalang ito ni Sen. Gatcha­lian.

Sabi ng ilang sektor na makakaliwa, ang totoong “nuisance candidate” ay ang mga kandidatong mandarambong at may mga track record ng ma­tinding paglabag sa mga karapatang pantao.

Sa Omnibus Election Code, ang “nuisance candidate” ay yaong mga kandidato na may intensyong guluhin at siraan ang proseso ng eleksyon, kasama ang mga may kaparehong apelyido sa mga tumatakbo para lamang lituhin ang mga botante.

Ang pagpayag sa pagtakbo ng mga sentensyado’t kumpirmadong mga kawatan sa kaban ng bayan ang nakakasira sa kredibilidad ng Comelec at nakakainsulto sa intelihensya ng botante. In the first place, may punto din sila.

Kaya kung ako kay Sen. Gatchalian, i-revise niya ang kanyang panukala at isama ang mga convicted plunder at mga human rights violator at ideklara ring mga nuisance candidate. Isama na rin diyan ang mga narco politician.

Pero ngayon pa lang barado na ang panukalang ito sa Comelec na nagsabing discriminatory ito dahil posibleng hindi na tumakbo ang mga indibiduwal na maitutu­ring na “underprivileged” o kapos sa pinansyal na aspeto.

Sabagay, trabaho din naman ng Comelec na salain kung sino ang mga maituturing na “nuisance candidate”.