Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sino unang bababa, si Duque o COVID-19?

0 779

Hulyo na mga tropapips at wala pa ring puknat ang pagtaas ng positibong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas mula nang magpatupad ng community quarantine noong Marso 15. Ang tanong mga kurimaw nating takot na takot pa rin sa maraming tao—ano kayang magic ang planong gawin ni Health Secretary Francisco Duque III para maibaba uli kahit man lang sa 200 level ang arawang kaso ng virus sa bansa?

Mula nang ilagay sa general community quarantine ang Metro Manila at ipatupad ang Balik-Probinsiya Program, parang kabayong sumipa ang mga kaso ng nagpopositibo sa virus. Kung dati nga eh mga 200 hanggang 300 lang ang arawang kaso, ngayon eh masuwerte na kung 500 lang ang “fresh” at “late” na resulta dahil lagi na itong nasa 700 hanggang 1,000.

Ang dating mga probinsiya na wala o kaya naman eh konti ang COVID-19 cases, ngayon ay problemado na ang mga lokal na opisyal dahil kung hindi man nasira ang kanilang pagiging COVID-19 free, eh nadoble o triple ang kanilang mga kaso virus dahil sa Balik Probinsiya Program o mga nag-uwiang OFWs na natengga sa Metro Manila.

Sa totoo lang, dapat naman talagang hayaan na makauwi sa probinsiya ang mga dapat umuwi, pero ang tanong ay kung naging sapat ba ang proseso para matiyak na walang virus ang mga nagbalik-probinsiya? Ang iba kasing mga nagbalik-probinsiya, sa rapid test lang isinalang na sinasabing hindi “credible” ang resulta dahil may mga nag-positive pero negative naman sa mas “credible” na swab test, at mayroon ding nag-negative pero pag-uwi sa probinsiya eh positive sa swab test.

Kaya nga ang nangyari, ipinakalat lang sa probinsiya ang virus dahil sa naturang programa ng balik-probinsiya. Makikita naman natin sa mga balita na nagkukumpulan sa mga terminal o sakayan ng bus, eroplano at maging ng barko ang marami sa mga nais umuwi. Kaya ang lokal na pamahalaan pamahalaan na ang bahalang sumakit ang ulo para masuri ang mga babalik nilang kababayan.

Pero bilib ang tropapips natin sa research team ng University of the Philippines na naglalabas ng kanilang pagtaya sa magiging kaso ng COVID-19 cases sa bansa sa bawat buwan. Bago kasi ilagay ang Metro Manila sa GCQ, nagbabala ang mga mananaliksik na delikadong tumaas ang kaso ng virus sa 24,000 pagsapit ng June 15. Kaya mas inirerekomenda nila noon na hayaan pa rin muna ang Metro Manila sa modified enhanced community quarantine.

At pagsapit nga ng June 15, higit pa sa inaasahan ng mga mananaliksik ang resulta dahil umabot ito sa 26,000. Kasunod nito eh nagbigay naman sila ng pagtaya na aabot sa 40,000 ang COVID-19 case sa pagtatapos ng Hunyo. At nang sumapit nga ang Hunyo 30, nasa higit 37,514 ang kaso. Ang matindi, inaasahan ng UP reseach team na halos magiging doble ang numerong ito sa katapusan ng Hulyo, o aabot daw ng 60,000.

Bagaman nakikita natin sa mga inilalabas na pagtaya ng UP research team na hindi nalalayo ang pagtaya nila sa nagiging resulta ng COVID-19, aba’y sana naman eh magkamali sila at mas mababa sana ang bilang ng mga tatamaan pa ng virus at masasawi. Kaya lang ang tanong, ano kaya ang puwedeng gawin o irekomenda ni Duque na pangunahing tagapayo at tagapagpatupad ng solusyon sa problemang ito ng virus?

Sino raw kaya ang unang bababa, ang bilang ng nagkaka-virus o si Duque, na matagal nang inuurot ng mga senador na umalis sa puwesto at ipaubaya niya ang kampanya laban sa COVID-19 sa taong mas bibo at mas may plano kung papaano pipigilin ang pagkalat ng virus.

Hanggang sa isinusulat natin ang pitak na ito mga tropapips, wala pa ring plano o pahiwatig si Duque na umalis sa puwesto. Aba’y baka napalitan na ng mga mambabatas ang pangalan ng Ninoy Aquino International Airport sa Paliparang Pambansa ng Pilipinas o PaPaPi, eh nandiyan pa rin sa puwesto si Duque. Ok lang sana kung mapapababa na niya ang COVID-19 cases at maipakikita niya na malayo sa mali ang pagtaya ng research team ng UP. Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.