Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sinong pumatay kay Lapu-Lapu ?

0 90

Napapaindak pa mga tropapips ang kurimaw natin habang hawak ang nahuhubo niyang salawal at nakikinig sa sikat na kantang “Panalo” ni EZ Mil, nang bigla siyang matigilan at napakunot ang noo nang madinig sa awitin na “pinugutan” sa Mactan [Cebu] si Lapulapu.

Pero bago magtaka at magdebate ang iba nating tropapips kung bakit walang hypen o gitling ang pagkakasulat natin ng pangalan ng unang bayani ng Pilipinas na si Lapulapu, ang National Quincentennial Committee (NQC) na ang nagpaliwanag sa tamang baybay nito.

Ayon sa NQC, may basbas ng National Historical Commission of the Philippines (NHCP) ang pagtutuwid sa tamang baybay ng pangalan ni Lapulapu batay na rin sa mga sinaunang akda sa pangalan ng bayaning “kinikilalang” pumatay sa Portuguese explorer na si Ferdinand Magellan.

Ang NQC ang punong-abala sa paghahanda sa gaganaping selebrasyon ng pagkilala sa bayanihan ni Lapulapu nang magapi ng kaniyang tropa ang grupo ni Magellan nang dumaong sa Mactan para magpalaganap ng Kristiyanismo.

Sa tala ni Antonio Pigafetta tungkol sa paglalakbay ni Magellan, pangalang Çilapulapu ang nakasulat rito. At ang “Ci” na nakakabit sa Lapulapu ay pinaniniwalaan na patungkol sa pagtawag sa mga maharlika noong panahon na iyon; na katulad ng “Sri” sa Hindu.

Mahalaga raw na maging malinaw ang pangalan ng unang bayani dahil nga naman sa siya ang magiging sentro ng atensiyon sa gaganaping quincentennial celebration o ika-500 taon ng anibersaryo ng “panalo” sa Mactan sa darating na Marso.

Pero kung panalo si Lapulapu sa bakbakan nila ni Magellan sa Mactan, bakit “nadedo” siya sa bersiyon ng kantang “Panalo” ni EZ Mil? Sabi pa nga sa liriko ng kanta, aba’y “napugutan” daw ang bayani.

Saan kaya nakuha ng rapper ang detalye niya’t na-fake news yata siya. Sabi ni EZ Mil sa mga lumabas na ulat, sinadya raw niyang maliin ang detalye para pag-usapan daw ang kanta niya at gumawa ng ingay.

Pero humingi rin siya ng paumanhin sa maling impormasyon na nakuha niya. Kaya nagtataka ang ating kurimaw, ano ba talaga ang totoo? Sinadya o nagkamali?

Sa dami ng nakapakinig ng kanta, ang mga hindi nakakaalam sa tunay na nangyari sa Mactan eh tiyak na maniniwala kung ano ang nadinig nila sa kanta. Siyempre, wala naman paliwanag sa kanta na mali ang nakalagay na detalye.

Noong 2019 mga tropapips, marami rin ang pumalag at nais na ipa-ban sa Pilipinas ang pagpapalabas ng animated movie na “Elcano and Magellan: The First Voyage Around the World,” dahil sa trailer nito na pinapalabas daw na kontrabida si Lapulapu, at walang sibilisasyon ang mga Pilipinong nakita ni Magellan.

Kung tutuusin, trailer pa lang ng pelikula ang ipinapakita noon pero ang dami nang pumalag. Habang sa kantang “Panalo,” malinaw na “talo” o mali ang detalye tungkol sa kung sino ang namatay sa Mactan.

Puwedeng sabihin ng iba na ‘wag nang mag-isip ng “negatibo” sa kantang “Panalo.” Pero dapat tandaan ng mga gumagawa ng kanta na maling maliin ang katotohanan lalo na’t may kinalaman sa kasaysayan ng pagiging Pilipino.

Sa ngayon, hindi pa malinaw kung papaano nga ba namatay si Lapulapu. Pero itanong natin sa rapper baka may napagtanungan siyang “kusinero.” Laging tandaan: “Bata mo ‘ko at Ako ang Spy n’yo.”

Leave A Reply

Your email address will not be published.