Abante Tonite Interactive

Siopao, siomai at lumpia kumpiskado sa mga Negros Oriental port

228

Sa pantalan pa lang ng Negros Oriental, hinarang na ang mga pakete ng “siopao,” “siomai,” “lumpia,” at iba pang may karne ng baboy bilang tugon sa mahigpit na kautusan na bawal ipasok ang anumang uri ng karne ng baboy upang maiwasan ang pagpasok ng African swine fever (ASF) sa Visayas at Mindanao.

Ayon kay Dr. Alfonso Tundag, Quarantine Officer ng Bureau of Animal Industry, umaabot sa 100 piraso ng siopao na may lamang karne ng baboy ang kinumpiska noong Biyernes ng hapon, Oktubre 11, 2019, mula sa isang pasahero ng Dumaguete-Sibulan airport.

Mahigpit kasing pinagbabawal ang pagpasok ng mga pagkain na may processed meat mula sa karne ng baboy dahil na rin sa paglipana ng ASF virus sa bahagi ng Luzon.

Sa Tangil seaport sa Guihulngan City, Negros Oriental, may kinumpiskang limang kilo ng pig meat na diumano’y galing sa Cebu ang mga awtoridad.

Nasabat din ng quarantine inspector noong Huwebes sa airport ang mga siomai at lumpia na nakalagay sa ice box mula sa isang pasahero ng commercial flight galing Maynila.

Paliwanag ni Tundag, kapag nakalusot ang isang pagkain ng may karne ng baboy ay maaari na itong kumalat sa mga may babuyan na nag-aalaga ng baboy, kaya iniiwasan nila ang pagpasok ng anumang uri ng pagkain mula sa nasabing hayop. (Vick Aquino)