Abante Tonite Interactive

Siquijor konsehal niratrat ng tandem

By
0 118

Patay ang isang municipal councilor sa Lazi, Siquijor na kabilang umano sa mga high value target sa kampanya ng pamahalaan kontra iligal na droga makaraang pagbabarilin ng riding-in-tandem sa palengke ng kanilang bayan kamakalawa nang gabi.

Bandang alas-sais nang gabi nang maganap ang pamamaril kay Konsehal Domingo Arcamo habang naghihintay ito sa kanyang asawa sa loob ng kanilang kotse sa harapan ng public market sa Barangay Poblacion.

Nagtamo si Arcamo ng mga tama ng bala sa sikmura at dibdib na naging sanhi ng agaran niyang pagkamatay.

Ayon kay Senior Inspector Mark Edward Barrios, bukod sa anggulong politika dahil napag-alaman na tatakbo sa kanyang ikalawang termino bilang konsehal ng Lazi si Arcamo, tinitingnan din ang motibong may kaugnayan sa iligal na droga dahil nasa listahan umano ito ng pulisya bilang isa sa mga high value target.

Dati na rin umanong drug surrenderee si Arcamo pero hindi sumailalim sa rehabilitation program ng gobyerno.

Tinitingnan din ng pulisya ang personal na away matapos mapag-alaman na nitong nakalipas na dalawang linggo ay mayroong nakaaway si Arcamo na isang drayber matapos na masagi ng sasakyan ang kanyang anak.