Abante Tonite Interactive

Sir Jack inspirasyon ang kapansanan

442

Kilala si Sir Jack bilang isang funny guy, kengkoy, at kuwelang dubsmasher. Ang tunay niyang pangalan ay Florence Argota at siya ay isang graduate ng Fine Arts, major in Advertising sa FEU.

Ang screen name niyang Sir Jack ay naging bansag sa kanya noong college days pa niya nang may isang professor daw na babaeng tulad niya (may cleft lip) na Mam Jack ang tawag, kaya biniro siya ng iba at tinawag namang Sir Jack.

Kamakailan ay nag-guest si Sir Jack sa Tambayan ng Tsika, online show ng Abante Tonite.

Paano niya na-discover ang kanyang funny side? Saad ni Sir Jack, “College pa lang ako ay gumagawa na ako ng mga kalokohan. Actually, elementary pa lang ako kaya ako nabu-bully, eh. So, kapag binu-bully ako, binu-bully ko rin. Mayroon akong isang classmate na tahimik lang, inaasar ko na, kasi baka balang araw ay asarin niya rin ako eh, kaya inunahan ko na, asaran lang.”

Sinabi rin ni Sir Jack ang pagsisimula niya bilang dubsmasher. “Bago lang ‘yung dubsmash pero sinubukan ko lang ‘yun kasi sabi ng mga classmate ko, ‘Uy tol may dubsmash na, gumawa ka na, try mo lang.’ So ginawa ko, ayun nagulat ako umabot ako ng one million views. Ang unang-una ko Spartans eh. ‘This is Spartan!’” muestra niya, “Then ayun na, sabi ng mga classmates ko gumawa ako ng marami. So ang dami nang nagme-message sa akin, nag-a-add, nagpapasalamat, na sana raw ay gumawa pa ako ng marami. Ang dami ko nang followers, kaya gumawa na ako ng Facebook page, doon na nagsimula.

“Wala pang isang buwan, sikat na ako sa Facebook. Noong una, aamin ako na hayok ako sa kasikatan, kasi ako pa lang ang ganito na nakilala. Pero ngayon, ayaw ko na, kasi ultimong namimili lang ako ng pagkain sa mall, aakbayan ako, ‘Pa-selfie naman.’ Wala na akong privacy, kahit nagsi-CR ako, ‘Pa-selfie naman,’ sabi ko, ‘Wait muna.’ Pero nagpapa­salamat ako kasi dahil sa kanila, iyong kasikatan ko ay ginawa kong para sa negosyo. So, nagpapasaya na ako, kumikita pa ako.”

May message ba siya sa bashers niya? “Ako naman, sa mga ba­shers, wala naman. Kumbaga, kung ganoon pananaw niyo sa buhay, basta… ‘yung mga nangbu-bully, sarado pa isip nila. Alam ko naman ba­lang araw ‘pag tumanda na sila, mare-realize nila na mali pala ginagawa nilang panglalait,” seryosong wika pa ni sir Jack.

Sa mga gustong i-book sina Dyosa at Sir Jack, magpunta lamang sa The Ogie Diaz Talent sa FB at Instagram.