Abante Tonite Interactive

Sisihan sa pangangamote ng mga estudyante

255

Marami ang nagulantang sa report na kulelat ang Pilipinas sa 79 bansa pagda­ting sa Reading Comprehension base sa resulta ng 2018 Prog­ramme for International Student Assessment (PISA). Sa naturang report ay pangalawa naman sa pinakamababa ang bansa pagdating sa Mathe­matics at Science.

Agad na naghanap ng masisisi ang mga mambabatas sa nakakahiyang posisyon ng bansa. Si Senator Imee Marcos, tinira ang Department of Education, Department of Health at Department of Social Welfare and Development.

May mala­king papel daw na ginagampanan ang tatlong ahensiya para mapagbuti ang kaalaman ng mga estudyante.

Si Senador Cynthia Villar naman, pinag-initan ang mga iskul na hindi nagbibigay ng de-kalidad na edukasyon. Dapat daw may reward system sa mga iskul na nagpo-produce ng mga matatalinong estudyante. ‘Yung mga maliliit at na­ngangamoteng iskul, dapat daw ipasara na lang.

Ang K to 12 system naman ang nakita ng ACT Tea­chers Party-list. Sabi ni Rep. France Castro, nagpapatunay lang ito na hindi naging sagot ang K to 12 para mapabuti ang kalidad ng edukasyon sa bansa. May pagkukulang din umano ang gobyerno dahil sa naging bulag sila sa problema ng basic education system. Taon-taon lumolobo ang budget para sa K to 12 program pero hindi nito na­tutugunan ang problema ng kakulangan ng classroom, learning materials, mga guro at iba pa.

Mainit din na pinag-usapan sa social media ang resulta ng pag-aaral ng PISA. May ibang nagsasabi na English kasi ang ginamit na lengguwahe kaya maraming hindi nakakaintindi ng binabasa. Subukang gawin itong Tagalog at tiyak na mamaniin lang ito ng mga estudyante.

May mga nagkomento pa nga na ilang mag-aaral daw sa Maynila ang pinapasa na lang ni titser kahit hindi pumapasok. Kapag binagsak kasi ang estudyante, babalik ito sa susunod na school year at dagdag problema ito sa upuan ng classroom.

Anuman ang sabihin ng mga mambabatas at mga ordinaryong tao, isa lang ang malinaw talaga – may problema sa sistema ng edukasyon sa bansa.

Magsilbi sana itong wake up call sa mga kinauukulan para alamin ang tunay na problema upang mailatag din ang tamang solus­yon.