Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sitwasyon hindi mababago kahit may bakuna na

0 93

MAGKAHALONG pananabik at pangamba ang nararamdaman ng marami sa ating mga kababayan habang papalapit nang papalapit ang araw nang pagdating ng bakuna sa ating bansa.

Ayon mismo sa Inter-Agency Task Force on Emerging on Infectious Disease (IAT-EID) ay darating na isa sa mga araw na ito ang iniangkat nating vaccine at maaari na tayong makapagsimula sa pagbabakuna.

Ito ay sa kabila ng may mga pharmaceutical company na nag-aalok na ng bakuna kahit hindi pa nila inilalabas ang resulta ng kani-kanilang isinagawang mga test na nais muna sanang makita ng marami sa ating mga kababayan.

Ngunit tila kapos na sa panahon para dito dahil sa napakaraming bansa ang nangangailangan ng bakuna na dapat matugunan at ang mga kilalang bakuna sa merkado na nakapagsumite ng detalye ng kanilang bakuna ang ilan sa pinagpipilian.

Sa pagtaya mismo ng IATF-EID ay posible umano sa kalagitnaan ng taong 2022 ay nabakunahan na ang may 70 porsiyento ng mga Pilipino maliban lamang sa mga ayaw talagang magpabakuna, sobrang tanda at may problema sa kalusugan.

Dapat nating maintindihan ang kahalagahan ng bakuna ngunit huwag tayo umasang pagkatapos ng bakuna ay makababalik na tayo sa dati nating pamumuhay dahil wala itong garantiya.

Ayon mismo sa World Health Organization (WHO) ang bakunang ituturok sa atin ay malaking bagay upang mabigyan tayo ng karagdagang proteksiyon laban sa nakamamatay na COVID-19 na ngayon at may bago pang variant.

Ngunit hindi umano ito solusyon para agad-agad tayong makabalik sa dati nating pamumuhay dahil hanggang ngayon ay tinatawag ng WHO ang mga bakunang ito na isang ‘test’ o nasa gitna pa rin ng clinical trial.

Hindi pa matiyak kung ilang taon pa ang kinakailangang pag-aaral bago mabigyan ng kumpirmasyon ang mga bakunang ito na talagang hindi na mahahawa sa COVID-19 ang naturukan nito.

Pero huwag kayong malito dahil sa kasalukuyan ay ito na ang pinakamabuting solusyon para kahit paano ay mabigyan tayo ng proteksyion laban sa COVID-19 ngunit tandaan natin na hindi ito ang gamot.

Kaya kahit maturukan na tayo ng bakuna laban sa COVID-19, kahit ano pa ang brand nito ay pare-pareho naman ang buting dulot nito dahil ang layunin ng pamahalaan ay ang kaligtasan ng bawat Pilipino.

Dahil ang isang Pilipino na hindi mababakunahan ay malaki ang tsansa na mahawaan ng COVID-19 at posible itong makahawa sa mas marami pa nating kababayan na dahilan para malagay sa panganib ang buhay ng mas marami pa nating kababayan.

Ngunit nais ko lamang paalalahanan ang ating mga kababayan na hindi porke’t nabakunahan na ang isang tao ay malaya na siyang gawin ang gusto niya dahil hindi tayo makababalik agad sa dati nating istilo nang pamumuhay.

Ang halos isang taon na nating pagsusuot ng facemask na nadagdagan na ng face shield, social distancing at paghuhugas ng kamay ay mananatili pa rin kahit na ang pinakasikat at pinakamahal na bakuna pa ang iturok sa atin.

Marami kasi ang umaasa na sa pagdating ng bakuna ay makababalik na tayo sa dati nating pamumuhay na isang maling antisipasyon dahil ang proteksiyong makukuha natin sa bakuna ay hindi pa matiyak ang kapasidad kung hanggang saan ang bisa nito sakaling manganak nang manganak pa ng panibagong variant ang virus na ito.

Kaya ngayon pa lamang ay ihanda na natin ang ating mga sarili sa lahat ng ating gagawin, maging sa pagbubukas ng negosyo ay dapat isaalang-alang na magtatagal pa ang sitwasyon na may sinusunod tayong health protocol sa ating pamumuhay.

Ayon nga sa mga eksperto ay posibleng abutin pa umano ng pitong taon o mas matagal pa bago tuluyang makabalik sa dating pamumuhay ang buong mundo kaya kahit may bakuna na ay hindi na magbabago ang ginagawa nating pag-iingat.

Pero naniniwala akong hindi ito ang hahadlang sa ating mga Pilipino para makabangon at maipanalo ang laban nating ito!

Leave A Reply

Your email address will not be published.