Abante Tonite Interactive

SK at barangay kagawad pinag-aaralang alisin

By
11

Ikinokonsidera na liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso na alisin na lamang ang barangay kagawad at maging ang Sangguniang Kabataan (SK) dahil nasisira umano ang pag-aaral ng SK officials habang hindi naman umano talaga nagtatrabaho ang mga barangay kagawad.

Agad naman itong kinontra ng isang miyembro ng Legitimate 8 sa Kamara dahil sa katotohanan, aniya, ay ang barangay captains ang nag-uutos sa kanyang mga barangay kagawad.

Sa ambush interview kay House Speaker Pantaleon ‘Bebot’ Alvarez, sa Tunga, Leyte noong Sabado, inamin nito na pinag-aaralan nila na i-abolish ang SK at barangay kagawad.

“We are also considering of abolishing the SK. Kasi ang problema natin diyan, sa paningin ko lang hindi tama. Kasi ‘yung SK pagka-pumili ka ng SK, kung pilitin mo ‘yan na magtrabaho bilang SK, hindi ‘yan papasok sa eskuwelahan,” ani Alvarez.

Sakaling papasok naman umano ang mga ito sa eskuwelahan ay hindi na nito nagagampanan ang kanilang trabaho bilang SK official na ang layon sana ay pagsilbihan ang mga kapwa kabataan sa kanilang barangay.

Sa kaso ng mga barangay kagawad, idinahilan ni Alvarez ang hindi pagtatrabaho ng mga ito tulad ng mga barangay captain sa bawat barangay kaya ikinokonsidera nito na buwagin na ito.