Abante Tonite Interactive

SK mandatory trainings sinimulan na

0 476

Una sa lahat, binabati ko ang mga bagong halal na barangay chairman, mga miyembro ng Sangguniang Barangay, SK chairman at mga miyembro ng Sangguniang Kabataan na nanalo sa katatapos lamang na barangay and SK elections nitong Lunes. Congratulations sa inyong lahat!

Ikinagagalak ko rin na naging tahimik, payapa at malinis ang eleksiyon. Wala namang naiulat o naitalang masamang insidente o krimen na may kaugnayan sa eleksiyon sa Lalawigan ng Cavite.

Ako ay labis na na­tutuwa dahil muli ay nakaboto ako sa SK at sa pinakahuling paglahok ko sa SK elections, muling bumalik sa aking alaala ang mga naging proyekto at programa para sa kabataan namin sa barangay noong ako ay kapitan pa.

Napakalapit sa aking­ puso ang Sangguniang Kabataan dahil tulad ko, bilang isang kabataan, dumarami ang kabataang may kagustuhang maglingkod sa ating ba­yan. Malaki ang gagam­panang tungkulin sa panlipunang pagbabago kaya naman marapat lamang na naibalik muli ang Sangguniang Kabataan sa mga barangay.

Kahapon, Mayo 16, ay nagsimula na ang ‘mandatory training’ para sa lahat ng mga bagong halal na SK chairman at mga SK kagawad. Ang mandatory training na ito ay bahagi ng bagong Salient Features ng SK sa pamamagitan ng RA 10472 o SK Reform Act.

Sa Lalawigan ng Cavite, hinati sa mga cluster ang probinsiya sa pangunguna ng DILG. Katuwang ang mga Learning Resource Center: De La Salle-Dasmariñas, NCST, Cavite State University, Development Acade­my of the Philippines at ang mga Local Youth Development Officer ng lahat ng mga ba­yan at siyudad, pinangunahan ang paglulunsad ng mga mandatory training.

Nagsimula ito noong Mayo 16 na tatagal hanggang Mayo 26. Bawat araw ay may assigned barangay lamang na dadalo para malimitahan ang bilang ng delegado at maunawaan ng mga dadalo ang buong training.

Ang mandatory trai­ning ay isa sa mga requirement ng mga bagong halal na SK chairman at SK kagawad bago ito maupo at manungkulan sa kanyang puwesto. Matapos ang lahat ng mga trai­ning, ilulunsad na ang mga oath taking ng lahat ng mga barangay. Susundan naman na makapaghalal ng SK Federation President sa bawat bayan at siyudad na siyang bubuo ng SK Federation sa buong lalawigan. Ang Pre­sidente ng SK Federation sa lalawigan ay awtomatikong uupo bilang Board Member ng Sangguniang Panlalawigan.

Ito na ang simula ng pagbabago sa sistema ng Sangguniang Kabataan gayundin ang pagbabago na magpapanday sa ating kabataan. Inaasa­han na makadalo ang may 6,632 lider na kabataan sa buong Cavite at maibahagi ang lahat ng kanilang talento, oras at serbisyo sa lahat ng kabataang Caviteño. Naniniwala ako na magagam­panan ito ng ating mga SK official dahil sa ‘nagkakaisang Cavite, walang imposible!’