Abante Tonite Interactive

Skating trick ni Didal petmalu

P6 milyon ang katapat!

By
1,084

Sinementuhan ni Margielyn Arda Didal ang pagiging Reyna ng Thrashers nang lamunin ang mga nakalaban para itakbo ang gold medal ng women’s street skate competitions sa Palembang, Indonesia Miyerkoles ng hapon.

Ipinagdiinan ni Didal ang angas ng Filipinas sa 2018 Asian Games nang sa unang pagkakataon ay patugtugin ang Philippine national anthem sa Jakaba­ring Sports City Skate Park.

Pinakain ni Didal ng alikabok ang mga nakatapat, nagsumite ng dominanteng 30.4 points. Malayo sa likod niya ang nagkasya sa silver na si Isa Kaya ng Japan sa 25.0 points, naka-salvage ng bronze ang 12-anyos na pambato ng Indonesia na si Nyimas Bunga (19.8).

Ngayong 2018 edition lang isinali ang skateboarding sa quadrennial games.

“I did my best,” bulalas ni Didal, u­nang Southeast Asian na nagpakitang-gilas sa Street League championship sa London noong May. “Sobra ang saya po, lalo na sa mga skateboarder natin.”
Ipinagdiinan ng 19-anyos na Cebuana na serious sport din ang skateboarding.

Start-to-finish na nagpakita ng bangis si Didal gamit ang kanyang 8Five2 yellow skateboard.

Sa opening salvo ay may 6.7 points na agad siya mula sa ‘Board Slide’ sa railings galing sa mataas na platform. Sa second round, pinamalas ang sarili niyang bersiyon ng hang time sa ikinasang ‘Ollie’ tungo sa 14.4 points, komportable sa unahan ng 13.3 ni Isa.

Sa tricks na ang dalawang best scores mula sa five tries lang ang ibibilang, humarabas si Didal ng isa pang ‘Board Slide’ para sa 6.0 sa initial run, sinundan ng 3.7 output sa second. Hindi pa siya tapos, dahil nakakuha pa ng 7.1 at 8.9 points sa third at fourth attempts.

Ang pamatay ni Didal na nagsel­yo sa gold ay ang ‘Backside 50/50 360-degree Flip na nagpanganga sa mga nasa gallery. Nakakabilib dito, unang pagkakataon lang na sinubok ni Didal ang trick, ayon kay Skateboard Association of the Philippines Inc. president Monty Mendigoria, na ang bawat ginto ay katumbas ng P6 milyon.

Apat na ang gold ng Pilipinas sa Indonesian Asian Games, lahat ga­ling sa women athletes – kay Hidilyn Diaz sa weightlifting, Yuki Saso sa individual golf na humatak sa mga kakamping sina Bianca Pagdanganan at Louis Kay sa team championship.