Abante Tonite Interactive

Skyway stage 3 arangkada na, trapik sa NLEX ibinabala

374

Mula ngayong Sabado hanggang sa Dis­yembre 2019 maka­raranas ng kalbaryo sa trapik ang mga motorista at commuter na magtutungo sa norte dahil isasara ang ilang bahagi ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Balintawak, Quezon City dahil sa konstruksyon ng Skyway stage 3 project.

Ang Skyway stage 3 ay elevated road project ng San Miguel Corporation na kokonekta sa NLEX at South Luzon Expressway mula Buendia sa Makati City hanggang Bagong Barrio sa Caloocan City at dadaan sa EDSA Balintawak Cloverleaf. Inaasahang matatapos ang proyekto sa Disyembre 2019.

Magpapatupad ng traffic rerouting scheme mula alas-11:00 nang gabi ngayong Sabado hanggang sa katapusan ng Disyembre 2019.

*Ang mga galing sa NLEX na patungong Quezon City ay maaaring dumaan sa Smart Connect Interchange papuntang Mindanao Avenue. Mula sa Mindanao Avenue intersection ay maaari nang kumanan pa-Quezon City patungo sa destinasyon.

*Ang mga pribadong sasakyan, van, pampublikong jeep mula Quirino Highway papuntang EDSA via Camachile ay inaabisuhang dumaan sa Camachile Flyover, kanan sa West Service Road, kanan sa EDSA. Para sa mga jeep, kailangang mag-U turn sa Biglang Awa, kanan ng Cloverleaf papuntang A. Bonifacio o dumaan sa southeast loop pabalik ng Novaliches.

*Para sa mga pribadong sasakyan mula EDSA Muñoz papuntang Port Area, maaari silang dumaan sa Monumento crossing Balintawak Cloverleaf, kaliwa sa De Jesus St., diretso ng C3 at sa C3 intersection, kanan ng Port Area.

Magtatalaga ng mga traffic marshal at maglalagay din ng directional traffic sign para masiguro ang maa­yos na daloy ng mga sasakyan.