Abante Tonite Interactive

Smart brake palyado! Ilang unit ng Mazda pina-recall

286

Pinare-recall ng Bermaz Auto Philippine (BAP), opisyal na distributor ng Mazda ang 2020 Mazda3 at 2020 CX-30 unit nito dahil sa problema sa programming ng Smart Braking System (SBS) nito na responsable sa automatic emergency brake.

Sa isang liham kay assistant director Lilian Salonga ng Consu­mer Protection & Advocacy Bureau ng Department of Trade and Industry, sinabi ni Bermaz mana­ger Aliver Ramon Buan at Mark Arthur Tamula na may problema ang brake ng mga sasakyan at maaari itong huminto kahit na hindi pa ito tapakan ng driver.

Kapag may namataan umanoong nakaharang ang sasakyan, hihinto ito. Kaya lang, may ilang unit ng Mazda3 at Mazda CX-30 na humihinto kahit na wala namang obstruction.

“On affected units, there is a probability that SBS may activate itself without any obstruction, placing the vehicle to a sudden stop which may increase the risk of a rear end collision,” sabi ng BAP.

Para maayos ito, kailangang i-reprogram ang vehicle control module software.

Pinaaabot na ng BAP ang mensahe sa mga may-ari ng apektadong Mazda3 at CX30 para maayos ang software sa vehicle control module. (Eileen Mencias)