Abante Tonite Interactive

Smart kinuyog sa 2 araw na pagtirik ng data service

By
2,924

Hindi magamit ng mga subsciber ng Smart Communications ang data services nito mula nung Sabado hangang kahapon. Ayon sa outagereport.ph, nagkaroon ng problema ang network ng Smart Communications at Talk N Text kahapon at pati na ang mother company nitong PLDT.

Unang nagreklamo ang FB user na si Jenmar Perilla Amular ng 10:15 pm nung Sabado, May 26, dahil hindi niya magamit ang kanyang data sa Smart. Hanggang alas 2:42 linggo ng hapon, May 27, nanggagalaiiti pa rin ang FB user na si Coseal Aduac Kcier dahil sa outage ng Smart/TNT/PLDT.

Hiningan ng paliwanag ng Abante ang Smart/PLDT tungkol sa pangyayari ngunit wala pa itong sagot habang isinusulat ang balitang ito.

Sa FB page ng Smart, pinagse-send ng PM ng kumpanya ang mga nagrereklamo at nangangakong inaayos na ito.

Namura pa ang Smart sa FB page nito ng isang napuno na sa inis. Sagot lang ng Smart, “no need for profanity words” pero hindi naman ito nagpaliwanag kung bakit nagkaproblema at kung kailan magiging available ulit ang serbisyo nito.

Ang malala pa, pagkatapos ng Smart sabihan ang mga subscriber na magpadala ng PM sa kanila, hindi naman nito tinitignan ang PM dahil hindi pa raw ‘seen’ ang kanilang sagot ayon kay FB users na si Julie Ann Saquing Edusma at Larry Abapo.

Naantala ang pag­labas ng pamahalaan ng guidelines sa pagpili ng 3rd telco na siya sanang magbibigay sa mga consumers ng ibang mapagpipi­lian kung nabubuwisit na sila sa serbisyo ng Globe at Smart/PLDT. Inasahan ni acting DICT Secretary Eliseo Rio Jr. na mailabas ang terms of reference sa pagpili ng 3rd telco sa ikalawang linggo ng Mayo pero hindi pa rin ito nailalathala hanggang ngayon.