Abante Tonite
Mabilis sa Balita

SMC magtatayo ng palengke sa UP Village

0 334

Nakipag-partner ang San Miguel Corporation (SMC) sa Rural Rising PH, isang grupong aksidenteng naging biyahero ng gulay mula sa mga probinsiya na dinala nito sa Metro Manila noong kasagsagan ng lockdown para tulungan ang mga magsasakang nalulugi at nabubulukan na lamang ng mga tanim.

Sabi ng SMC, magtatayo sila ng palengke sa lupa nito sa UP Village sa Diliman, Quezon City na tatawaging Better World UP para doon direktang magbebenta ang mga magsasaka ng kanilang mga ani at makamumura ang mga consumers na doon mamimili.

Ang Rural Rising PH ay binuo ni Ace Estrada ng Baguio na nag-umpisa lamang magbiyahe ng mga gulay mula Cordillera noong Abril para tulungan ang mga magsasaka.

Nag-post lang si Estrada sa Facebook na humihingi ng tulong sa mga tao na bilhin ang mga gulay at kumalat na ito sa social media hanggang sa nakapagbiyahe siya ng limang toneladang gulay mula Cordillera hanggang Cubao noong April 7.

Sabi ni SMC president at chief executive officer Ramon S. Ang, malakas ang dagok ng lockdown sa mga magsasaka dahil marami sa kanilang nabulukan lang ng tanim dahil hindi nila ito madala sa mga restaurant at hindi rin maibiyahe sa ibang lugar dahil sa paghihigpit sa pagtawid sa mga bayan o lalawigan.

Mag-uumpisa bilang palengke para sa mga magsasaka ang Better World UP ngunit maaari rin itong gamiting food distribution center kung saan ang mga sobrang paninda ay ido-donate sa mga mahihirap.(Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.