Abante Tonite
Mabilis sa Balita

SMC namigay ng 36 bangkang pangisda sa Quezon

0 91

Namahagi ang San Miguel Corporation (SMC) ng 36 na fishing boat sa 69 na mangingisda sa Sariaya, Quezon matapos nitong buksan kamakailan ang Fishermen’s Dock sa nasabing bayan.

Ayon sa SMC, ang mga mangingisda ay dating nakatira sa mga lugar na madalas tamaan ng bagyo at kasama sila sa mga inilipat sa Christian Gayeta Village, isang housing development na SMC ang gumastos.

Ang komunidad ay bahagi ng pinaplano ng kompanya na P352 milyong agro-industrial complex.

Sabi ni SMC president at chief operating officer Ramon S. Ang, partner ang turing ng kompanya sa mga mangingisda na siyang magiging kabalikat nila para gawing maunlad ang Sariaya at ang lalawigan ng Quezon.

“This model of ours of providing housing and livelihood and skills training and opportunities, is time-tested. The only difference is we work to keep on improving it, and today, San Miguel-Gayeta village is our model sustainable village—thanks to the help of residents, local government and other stakeholders,” sabi ni Ang.

Kasama sa pinaplanong agro-industrial complex ay ang pagtatayo ng brewery, grains terminal, feedmill, ready-to-eat food manufacturing plant, high-tech poultry facility, fuel tank farm, at port facilities.

Sabi ni Ang, ang mga binigyan ng mga bangka ay dati nang mga nangingisda ngunit hidni makabili ng sarili nilang bangka dahil sa kawalan ng pambili.

Sa 33 malalaking bangka, tig-dalawa ang may-ari at may tatlo namang tig-isang maliliit na bangka.

Pangingisda ang pangunahing pamumuhay ng mga nakatira sa lugar kaya gumawa ang SMC ng Fishermen’s Dock kamakailan at inumpisahan ang pag-donate ng mga bangka.

Kaya ng Fishermen’s Dock mag-angkla ng 100 mga bangka sa 3.5 hektaryang lugar. May Sariaya Fishermen’s Hall din na tinayo para magsilbing lugar kung saan maaring magpahinga ang mga mangingisda at maging storage sa 70 makina at iba pa.

“This will enable them to earn more and bring their daily catch to their families and fulfill the food requirements of the housing community and surrounding areas in Sariaya,” sabi ni Ang. (Eileen Mencias)

Leave A Reply

Your email address will not be published.