Abante Tonite Interactive

Smile ka lang

361

Mga mukha sa dingdingBukod sa buhok na tinaguriang ‘crowning glory’, ngipin ang isa sa mga bagay na unang nakikita sa atin ng mga tao. Kaya mahalaga ang pagkakaroon ng magandang ngipin.

May kasabihan pa ngang ‘Every tooth in a man’s head is more valuable than a diamond’. Tama nga naman. ‘Di kayang tumbasan ng anumang bagay ang pagkakaroon ng healty, white teeth.

Talagang nakakadagdag ng kumpiyansa sa sa­rili kung pantay-pantay at mapuputi ang mga ito,

Paano kung hindi mala-close up smile ang iyong ngiti dahil nahihiya kang ilabas at makita ang naninilaw mong mga ngipin?

Kapit lang mga bes, dahil may pag-asa pa ‘yang pumuti.

Oo, puputi ang mga naninilaw mong ngipin nang hindi ka gagastos nang ma­laki.

Ayon kay Dr. Mae Pingco ng Pingco Dental Clinic sa Tanza, Cavite, puwedeng gawing alternatibo sa toothpaste ang baking soda.

May natural whitening properties ang baking soda. Dahil magaspang ang texture nito, nakatutulong din ito sa pagsa-scrub at pag-alis ng mga mantsa sa ngi­pin. May alkaline content din ang baking soda kaya napipigilan nito ang pagdami ng bacteria.

Paghaluin ang isang kutsaritang baking soda at dala­wang kutsaritang tubig. I-brush ito sa ngipin nang hindi hihigit sa dalawang minuto. Gawin ito ng every other­ day sa loob ng dala­wang linggo. For sure, makikita mo na ang epek nito sa ngipin mo.

Puwede ring gumamit ng hydrogen peroxide o agua oxinada. I-dilute ito sa tubig at maaaring gawing pangmumog. May natural bleaching agent ang hydrogen pe­roxide na pumapatay rin sa bacteria sa iyong bibig.

Nakatutulong pa sa teeth whitening ang pagmumumog ng coconut oil na inihalo sa tubig. Nakababawas din ito ng bacteria sa bibig at nilalaba­nan ang plaque at gingivitis.

Puwede ring i-dilute ang apple cider vinegar at imumog. May antibacterial pro­perty ito na mabisa ring pang­linis at pampaputi ng mga ngipin. Imumog ito sa loob ng isang minuto. Tiya­king magmumog ng plain water pagkatapos. Maghintay ng tatlumpung minuto bago mag-toothbrush. Ma­tapang kasi ang apple cider vinegar, at ang paggamit agad ng toothbrush ay posib­leng maka-damage ng ena­mel ng ngipin.

Ugaliin ding kumain ng mga prutas at gulay dahil nakatutulong din ang mga ito sa pag-alis ng plaque ng ngipin.

Bawasan ang konsumo ng mga pagkain at inuming nakakamantsa ng ngipin tulad ng kape, red wine, cola at dark berries.

Gumamit ng straw sa pag-inom ng mga inuming nakakamantsa ng ngipin para maiwasan ang direct contact nito sa ngipin.

Limitahan ang sugar intake. Kung ‘di maiwasan, si­guruhing mag-toothbrush pagkakain ng matamis na pagkain.

Ugaliin ding kumain ng mga pagkaing mayaman sa calcium – nakatutulong ito para patibayin ang ngipin laban sa enamel erosion.

Ang sa akin lang – ugaliing bumisita sa dentista da­lawang beses sa isang taon para masuri ang mga ngi­pin. Likas namang naninilaw at rumurupok ang mga ngipin habang nagkakaedad. Kaya importanteng habang bata’y alam natin kung paano ito pa­ngangalagaan.