Abante Tonite Interactive

Smith, TNT KaTropa kinandado ang No. 3

KARGADO!

By
2,408

No-bearing ang laro sa Rain or Shine, full-charged naman ang TNT KaTropa nang kontakin ang 100-85 panalo sa Smart Araneta Coliseum kagabi.

Inekisan ng Texters ang No. 3 sa quarterfinals ng PBA Commissioner’s Cup sa 8-3 pagkatapos ng eliminations. Kabuhol nila sa parehong win-loss record ang Alaska pero naupo sa No. 2 ang Aces na mas mataas ang quotient.

Naputol ang six-game winning run ng Elasto Painters at tinapos ang elimination round sa 9-2 pero hindi na natinag sa No. 1. Twice-to-beat ang RoS at Alaska laban sa Nos. 8 at 7 sa quarterfinals.

Sasabak sa best-of-three quarters ang TNT laban sa No. 6, pero hindi pa tapos ang misyon.

“Hindi pa ‘yun ang gusto namin eh,” pakli ni Terrence Romeo. “Siyempre gusto namin makapasok sa semifinals.”

Inamin ni Romeo na medyo pagod pa siya sa kampanya ng Gilas Pilipinas sa FIBA World Cup Asian Qualifiers, nagkasya lang sa two points mula sa 1 of 6 shooting pero binigay ang 12 sa 29 assists ng TNT.

Nanguna sa Texters si Josh Smith na may 25 points, 10 sa third quarter nang kumalas ang TNT para pabukahin ang 47-39 halftime edge tungo sa 76-58 lead papasok ng fourth. Maskarado para protektahan ang ilong, nagbaba pa si Smith ng 13 rebounds.

Umayuda si Troy Rosario ng 19 points at eight boards, may 12 si Ryan Reyes.

Hindi na pinalaro ni TNT coach Nash Racela si Jayson Castro.

Lumayo ng hanggang 100-78 ang Texters pero nakapaglunsad pa ng 16-6 run ang Rain or Shine, pitong sunod dito mula kay Maverick Ahan­misi, para dumikit sa walo.

Nakarekober ang TNT nang magsalpak ng tatlong sunod na 3s, dalawa rito mula kay Rosario, para ipagpag ang banta ng Painters.

Pagkatapos pa ng laro ng San Miguel at Magnolia malalaman ang toka ng TNT sa quarters. (Vladi Eduarte)