Abante Tonite
Mabilis sa Balita

SMS text blast at spam message ariba na naman!

0 82

Nitong nakalipas na araw ay maraming  indibidwal na nakatanggap ng emergency alert mula sa kanilang  mobile phones matapos maghain ng kandidatura ang isang pulitiko para sa 2022 elections.

Marami ang nagulat at mas marami ang nagtaka kung bakit sila pinadalhan  ng message alert gayong ang ganitong aksiyon ay nangyayari lamang kapag may kalamidad gaya ng lindol , bagyo o sakuna at ahensiya ng gobyerno ang source nito.

Marami ang nagtaka  kung paano nagawa ito ng grupo ng kandidato at kung paano nakuha ang numero ng kanilang mga telepono para mapadalhan ng message alert.

Ang sabi ng National Privacy Commission (NPC), tungkulin ng National Telecommunications Commission (NTC) na bantayan ang mga ganitong aktibidad ng telcos dahil sila ang may hurisdiksiyon ng mga ito, at ang NTC naman ay magbantay kung may nalalabag sa Data Privacy ng mga indibidwal.

Teknikal ang isyung ito pero hindi dapat balewalain dahil ang mapeperwisyo at makukunsumi  sa mga ganitong mensahe ay ang publiko.

Marami sa atin ang abala sa araw-araw na gawain at ang pagtanggap ng message alert na akala mo ay emergency ay nakakadagdag sa stress lalo na kapag sa bandang huli ay galing pala ang mensahe sa isang kandidato na sa tingin ng mamamayan ay napakaaga pang magparamdam.

Mas sanay ang mga tao sa mga dating nakagawiang paraan ng pagpapakilala at pangangampanya sa radyo, dyaryo at telebisyon, at  idagdag na ang paggamit ng social media, pero hindi sa paraang pati ang personal na mobile phone ay nagagamit na para magpakilala.

Hindi lang naman sa mga ganitong panahon may spam messages na natatanggap ang mga tao, kahit sa ordinaryong araw ay maraming mga hindi kanais-nais na mensaheng ipinapadala ang mga telcos na kapag sinita ay itatanggi ng mga ito.

Pati pagbebenta ng condominium units, lupa  at kung ano-anong promo ay nakakalusot sa SMS lalo na kapag ang isang indibidwal ay naka-postpaid account sa telco.

Personal kong naranasan ang mga ganitong spam messages at kapag tatanungin kung saan nakuha ang numero ng telepono ko, ang isasagot at cimputer generated. Neknek nyo, kami pa ang pinagluluko ninyo.

Dapat noon pa tinutukan ng NPC at NTC ang mga ganitong gawain ng telcos dahil kahit itanggi hangang sa pintuan ng impiyerno ay malinaw na mayroong nakakakuha o nagbibigay ng mga personal data sa mga kumpanyang ang negosyo ay bagbebenta o real state.

At dahil panahon na ng eleksiyon, aasahang mga pagpaparamdam naman ng mga pulitiko ang lalanding sa spam messages ng publiko na dapat bantayan ng dalawang ahensiya sa halip na puro babala lamang at imbestigasyon pero wala namang napaparusahan.

Umaksiyon kayong nasa gobyerno para hindi magpatuloy ang mga ganitong gawain ng mga telcos dahil hindi lahat ng mga may mobile phone ay may panahong magbasa ng spam messages at emergency alerts na akala ay napakaimportante pero basura pala!

Leave A Reply

Your email address will not be published.