Abante Tonite
Mabilis sa Balita

Sobrang taas ng presyon, makakabulag

0 97

Akala natin, mataas na asukal lang sa dugo ang maaaring magsanhi ng panlalabo ng mata hanggang sa pagkabulag. Pero maaari ring mangyari ito sa mga hindi kontrolado ang presyon ng dugo.

Kapag nagising ka isang umaga na bigla na lamang nanlabo ang iyong mata, naduling ka, o tuluyang wala kang makita, suriin agad ang presyon ng dugo lalo na kung alam mong mayroon kang alta-presyon.

Mas nakakatakot nga kung hindi mo pala alam na high blood ka dahil wala kang nararamdamang simtomas, at bigla na lang naranasan mo ang panlalabo, pagkaduling o pagkawala ng paningin. Wala kasing simtomas minsan ang alta-presyon tulad ng pisikal na pananakit, masakit na ulo o pagkahilo.

Tulad ng mga pasyenteng may diabetes, ang isang tumataas ang presyon ng dugo at hindi nakokontrol ito sa mahabang panahon, ay maaari ring magkaroon ng tinatawag na hypertensive retinopathy.

Ang naaapektuhan dito ay ang retina o ang tissue layer na nasa likod ng ating mata. Ito ang responsible sa pag-transform ng ilaw tungo sa nerve signals para maipadala sa utak na magsasabi naman kung ano ang nakikita ng mata.

Ang dingding ng mga ugat sa retina ay maaaring kumapal kapag ang presyon ng dugo ay sobrang mataas o laging mataas. Dahil diyan, kumikipot ang mga ugat ng dugo, at naiipit tuloy ang dugong dadaloy sana patungo sa retina. Dahil diyan, namamaga ang retina.

Kaya naman importanteng malaman kung mataas ang presyon ng dugo ng isang pasyente. Kung mayroon nang diabetes, dapat lamang na pinapatingnan na rin at minomonitor ang presyon ng dugo. Mahalaga rin ang taunang check up lalo na sa mga hindi mapigil ang araw araw na pagkain ng karne at matatamis at maaalat, naninigarilyo at umiinom ng alak. Gayundin ang mga tumataba at hindi nagkikikilos. Ang mga ito kasi ay maaaring magsanhi ng pagtaas ng presyon ng dugo.

SM SuperKidsDay Banner Ad

Mas maagang nalalaman na tumataas ang presyon ng dugo, mas maganda para sa mata. Kapag kasi napabayaan ang alta presyon, maaaring hindi makarating sa retina ang kinakailangan nitong dugong may dalang oxygen.

Nalalaman kung nagkakaroon ng problema ang ugat sa mga mata sa pamamagitan ng funduscopy. Nakikita rito kung kumikipot na ang mga dananan ng dugo o namamatay na ang mga ugat na ito.

Maaari ring ma-stroke ang mga mata, tulad ng nangyayari sa utak kapag hindi nakakaabot dito ang oxygen na dala ng dugo.

Kung namamaga ang retina, maaari naman itong i-laser o bigyan ng intravitreal injection ng cortiscosteroids.

Kung lalala ang hypertensive retinopathy, maaaring umabot na sa pagsasaksak ng tinatawag na ANTIVEGF o antivascular endothelial growth factor medicine tulad ng bevacizumab, ranibizumab o pegaptanib.

Pero ang pinakamahalaga, maiwasan nang lumala ang problema sa mata ng mga high blood. Kung maaalagaan ang presyon ng dugo mula sa pagtaas, maaaring masalba ang mga mata mula sa hypertensive retinopathy. Tigilan ang paninigarilyo, iwasan ang mga maaalat at matatabang pagkain, kumain ng mas maraming prutas at gulay, kontrolin ang lebel ng asukal sa dugo at gayundin ang kolesterol, iwasang ma-stress at mag-ehersisyo.

Leave A Reply

Your email address will not be published.