Abante Tonite Interactive

Social distancing walang epekto

707

Nitong nagdaang mga araw inatasan ng Department of Transportation ang mga public utility bus at jeepney na ipraktis ang social distancing sa kanilang mga sasakyan para hindi magsiksikan ang mga pasahero sa loob.

Maganda ang layunin nito para makontrol ang paghawa ng COVID-19 na ngayon ay umabot na sa 140 kaso at 12 na ang nasawi. At inaasahang tataas pa ito sa mga susunod na mga araw. Huwag naman sana.

May ilang mga sumunod naman sa kautusan na ito. Makikita naman sa report sa media na ilang PUV at PUJ ang sumusunod dito. Meron din namang hindi.

Hindi mo rin kasi maiiwasan ito sa panahong ito lalo na’t kulang sa public transportation sa lansangan. At kung maghihigpit ang gobyerno dito, malamang hindi na makapasok pa ang mga manggagawa dahil sa kakulangan ng transportasyon.

Sa MRT at LRT at kahit na sa PNR, mahigpit na ipinatutupad ang social distancing pero iyon nga lang, nagdulot din ito ng perwisyo sa mga commuter dahil imbes na makarating sila sa kanilang trabaho nang sakto sa oras, ngayon ay nale-late sila sa trabaho.

Ang pila pa lang sa nagsasagawa ng thermal scanner ay kumakain na ng ilang minuto dahil sa haba ng pila. At kapag nakapasok ka na sa platform ng MRT at LRT maghihintay ka pa rin nang matagal dahil sa ipinatutupad na social distancing sa loob ng mga tren.

Kumbaga, sa bawat biyahe ng tren limitado lang ang sakay hindi tulad ng dati na kayang magsakay ng daan-daang pasahero. Pero kagaya ng dati, kahit na siksikan, maaga naman nakakarating ang mga tao sa kanilang destinasyon.

Bago ka pa nga makapasok sa Metro Manila, sa mga checkpoint pa lamang ay pila pa rin ang mga tao dahil sa ginagawang inspeksiyon ng ating mga magigiting na frontliner.

Biruin mo papasok ka nga nang maaga pero sa checkpoint ay maghihintay ka ng dalawa o tatlong oras. Kaya anong oras ka makakarating sa trabaho? Amoy araw ka na, pagod ka pa bago ka makakarating sa opisina mo. Hindi ba’t kalunos-lunos ito sa ating mga kababayan?

Sabi nga nila, ang social distancing ay para lang daw sa mayayaman at hindi ito applicable sa mga ordinaryong mahihirap na nagre-rely lang sa mass transportation. Siyempre ang mga mayayaman may kanya-kanya silang mga kotse hindi tulad ng masa na umaasa lang sa public transport.

Bagama’t walang malinaw na guidelines sa social distancing na ito, wala tayong magagawa, andiyan na ‘yan eh. Kailangan na lang nating sumunod. Hindi naman puwedeng awayin ang mga frontliner dahil ginagawa lang nila ang kanilang trabaho.

Sa halip, saluduhan na lang nating ang masisipag at matitibay nating mga bayaning frontliner (health worker, pulis, sundalo) na matiyagang humarap sa mga taong pumapasok at lumalabas sa Metro Manila.

Gayunpaman, pinakamainam pa rin na sumunod na lang lahat sa gusto ng ating pamahalaan. Huwag maging pasaway. Kung ito ang makabubuti para ma-contain ang virus na ito, sumunod na lang tayo.

Para naman ito sa ikabubuti ng lahat at sa halip na maghanap ng butas o manisi, mas mabuting magdasal na malalagpasan natin ang pinakamalaking kalaban – walang iba kundi ang coronavirus na ito. Mag-ingat po tayong lahat!