Abante Tonite Interactive

SOGIE Bill vs karapatan ng mga PWD

0 713

Mainit ang debate ngayon sa usapin ng Sexual Orientation and Gender Identity and Expression Equality (SOGIE) Bill na ang pangunahing layunin ay maalis ang diskriminasyon sa mga lesbian, gay, bisexual, at transgender o LGBTQ+.

Sari-saring opinyon at reaksiyon din ang lumalabas ngayon hindi lamang sa media kundi pati na sa social media dahil sa isang insidenteng nagpainit sa isyu.

Marami ang kumampi, kumontra, nagalit, at nagsabing makasarili ang demand ng LGBTQ+ community dahil sa isyung “kubeta” lang ang dahilan nang ipinag-iingay ng mga ito sa social media.

Kung tutuusin mas maraming mga mahalagang bagay ang dapat unahin kaysa sa ipinaggigiitang sariling comfort room para sa LGBTQ+ community.

Isang person with disability (PWD) ang naglabas ng saloobin dahil sa sobrang atensiyon na ibinibigay ng ilang senador at congressmen sa SOGIE Bill samantalang tila nakalimutan ng gobyerno ang kapakanan nila sa lipunan.

Ayon kay Michael, kung respeto at equality ang hinihiling ng LGBT community dapat ganoon din ang para sa mga PWD dahil mas may karapatan sila para sa pagtingin ng lipunan.

Sa kabila aniya ng kanilang kalagayan ay nagsisikap kumilos para makatulong sa pamilya at mas marami ang pagkakataong mababa ang kanilang moral dahil sa hindi patas na pagtingin ng tao sa mga PWD. Nakakaranas aniya sila ng pambu-bully at hindi pagrespeto sa pisikal na kaanyuan.

Hindi aniya ginusto ni Michael ang maging PWD, ang tanging gusto lamang niya at mga kapwa PWD ay respeto at pang-unawa at pantay na pagtrato sa kanila.

May panawagan si Michael kay Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga kapwa niya PWD, kabilang na rito ang pagsasaayos sa kanilang mandatory benefits (kung meron man), monthly allowance, dahil marami sa kanila ang ayaw tanggapin sa trabaho, at parusahan at kasuhan ang mga nambu-bully at nang-aapi sa mga PWD.

Kung lilimiin ang hinaing ni Michael, mayroon naman talagang punto ito dahil tila sila ang sektor na nakalimutan subalit sa kabila ng kapansanan ay hinahangad pa rin ng mga ito na maging produktibo at magkaroon ng kabuluhan sa lipunan sa halip na mag-demand at lumitaw na mabigyan ng special treatment.