Abante Tonite Interactive

Sol Aragones tampok sa ‘CONG–TOUR’ vlog

250

Inanunsiyo ng chairperson ng House Committee on Tourism na naglunsad sila ng isang video blog (vlog) na tinawag na Congressional Tour (CONG-TOUR) para ma-impromote ang turismo sa Pi­lipinas.

Sinabi ni Laguna Representative Sol Aragones, committee chairman sa kanyang privilege speech na ipakikita sa CONG-TOUR ang aktibong paki­kisangkot sa promotion ng turismo sa kanilang mga distrito bukod sa kanilang pagtugon sa kanilang mga tungkulin bilang mambabatas.

Ayon kay Aragones na sa data ng Philippine Statistics Authority, lumalabas na 13 porsiyentong share ng pinagkukunan ng trabaho o humigit-kumilang sa 5.4 milyong trabaho ay galing sa turismo.

Nalaman na 12.7 porsiyento ng ekonomiya sa bansa o P2.2 tril­yon noong 2018 ay ga­ling sa turismo.

Gayunman ay nabatid na 12 porsiyento lamang ng kita ang ga­ling sa mga dayuhang turista at ang 88 porsi­yento ay mula sa domestic tourists.

“Ang solusyon sa a­ting problema ay wala sa ibang bansa o sa da­yuhang banyaga. Para magkaroon ng hanapbuhay, at para lu­mago ang kabuhayan, kailangan natin ang a­ting mga sarili. Atin ito. Tayo mismo. Nasa Pili­pino ang kailangan ng Pilipinas,” ayon kay Aragones.

Kaugnay nito ay hini­mok ni Aragones ang mga Pilipino na pagyamanin ang kultura ng bansa.

Kasama ni Aragones na magiging host sa CONG-TOUR vlog ay ang mga kapwa niya mambabatas kung saan ipakikita nila ang ganda ng Pilipinas. (Juliet de Loza-Cudia)