Abante Tonite Interactive

Solis, wushu team namakyaw ng gold

0 127

Habang bumabayo ang hangin at ulan sa labas ng World Trade Center sa Pasay, Martes nang hapon, sa loob ay sumahod naman ng limang gold medals ang wushu bets ng bansa sa 30th Southeast Asian Games 2019.

Tulad ng pangako ni Francisco Solis, namakyaw ng golds ang wushu team sa sanda competitions.

Nagsipanalo ng gold sina Solis (56kg), Clemente Tagubara Jr. (65kg), Arnel Mandal (52kg) at Jessie Aligaga (48kg).

Winner din sa women’s side si Divine Wally.

Sa semifinals, pinakita ni Solis ang bangis nang tapusin sa loob lang ng 11 seconds ang Malaysian, si Kai Wen Teng. Ginamitan ni Solis ng side throw ang kalaban na nangayaw tapos ang mandatory eight count.

Dinomina muli ni Solis ang Indonesian sa final, 2-0.

Inumpisahan ni Wally ang ratsada ng team nang kalusin si Tbi Chinh Nguyen ng Vietnam.

Si Truong Giang Bui ng Vietman ang pumigil sa sweep ng Filipinos nang ungusan si Gideon Fred Padua sa men’s 60k category. Nagkasya sa silver si Padua. (Vladi Eduarte)