Abante Tonite Interactive

Soltera natagpuang hubad, agnas

0 256

Walang saplot sa buong katawan nang matagpuan ang walang buhay na 62-anyos na soltera o matandang dalaga sa loob ng kanyang bahay na hinalang may apat na araw nang patay kamakalawa ng gabi sa Malate, Maynila.

Nadiskubre ang bangkay ng biktimang si Daisy Boquiren, taga-1845 Modesto St., Malate, Maynila matapos magreklamo ang mga kapitbahay nang masansang na amoy na nagmumula sa bahay ng biktima.

Sa imbestigasyon ni PSSg. Roderick Magpale, ng Manila Police District-homicide section, alas-6:15 ng gabi nang matagpuang patay ang biktima.

Ayon kay Rea Murillo, hipag ng biktima, huli niyang nakitang buhay ang biktima alas-siyete ng gabi noong Enero 11 habang naglalakad sa may Modesto St., pauwi sa kanyang bahay matapos bumili ng hapunan.

Kinabukasan pinuntahan ni Murillo ang biktima para bigyan ng prutas. Tinawag umano niya ang biktima pero hindi sumasagot at sa pag-aakalang natutulog lamang ito ay isinabit na lamang sa door knob ang prutas.

Noong Enero 14, nagreklamo na ang mga kapitbahay ng biktima dahil sa masansang na amoy mula sa loob ng bahay ng soltera kaya humingi na sila ng tulong sa barangay.

Nalaman na walang kasama sa bahay ang biktima na may iniindang hypertension at Glaucoma.

Wala ding indikasyon na may nakapasok sa loob ng bahay nito kaya hinihinalang inatake ng sakit ang biktima. (Juliet de Loza-Cudia)