Abante Tonite Interactive

Solusyon sa hirap umihi

By
1,407

Alam n’yo bang may koneksyon ang hirap sa pag-ihi sa pagkakaroon ng altapresyon, karamdaman sa atay at sakit sa puso? Kaya naman kailangang ilabas ang ihi kapag naiihi upang hindi na lumala pa o magkasakit pa.

Ang kondisyon ng hirap sa pag-ihi o fluid retention ay isang pangkaraniwang kondisyon na maaaring maranasan ninuman. Ang ganitong sakit ay masosolusyonan sa pamamagitan ng pag-inom ng gamot na diuretics na kadalasang inirereseta ng mga doktor.

Ngunit bukod sa mga inireresetang gamot, mayroon din namang pagkain at inumin na mga natural na diuretics na makakatulong sa hirap sa pag-ihi.

Sabaw ng buko – halos alam na ng lahat na ang pag-inom ng sabaw ng buko ay makalulunas sa hirap sa pag-ihi.

Pipino – ang pipino ay may mabuting epek­to din para sa pagsasaayos ng daloy ng ihi. Ayon pa sa mga pag-aaral, ang pipino ay tumutulong na tunawin ang mga namumuong uric acid na nagdudulot naman ng pagkakaroon ng bato sa kidney.

Kape – ang lahat ng inuming may caffeine ay makatutulong na padaliin ang pag-ihi. Ito ay may taglay na caffeine na isang uri ng natural na diuretic. Isa sa mga natural at may pinakamataas na mapagkukunan ng caffeine ay ang inu­ming kape.

Tsaa – bagaman hindi sintaas ng caffeine sa kape, ang tsaa ay natural ding mapagkukunan ng substansyang caffeine na makatutulong sa kondisyon ng pag-ihi. Ang tsaa ay napatunayan nang may taglay na antioxidants na mabuti para sa kalusugan.

Pakwan – ang matubig na prutas na pakwan ay kilala rin bilang na­tural at mabisang diuretic. Mayroon din itong malakas na uri ng antioxidant na nila­labanan ang nakakasamang free radicals.

Pinya – ang masabaw at masustansyang prutas na pinya ay may epek­to rin sa pagpapadali ng pag-ihi. Ito ay natural na diuretic at mayaman sa fiber at ilan pang bitamina na kinakailangan ng katawan. Tumutulong din ito na linisin ang digestive tract.

Lettuce – ang ilang madadahong gulay gaya ng lettuce ay natural na diuretic na mabisa para sa para sa kondisyon ng hirap sa pag-ihi. Bukod sa epektong ito, mayaman din sa mga mahahalagang mineral ang letsugas tulad ng manganese, potassium, iron, calcium at phosphorus.

Bawang – bukod sa pagiging natural na antibiotic, kilala ang bawang­ na nakakapagpababa ng presyon ng dugo. Ngunit bukod sa mga ito, ang bawang ay nakatutulong din sa pagpapadali ng pag-ihi. Pinaka-epektibo ito kung kakainin nang hilaw.

Celery – ang masustansyang gulay na celery o kintsay ay nakatutulong din sa panunumbalik sa normal ng pag-ihi. Mayaman din ito sa Vitamin K, C, B6, at A, bukod pa sa mga mineral gaya ng calcium, phosphorus, magnesium, at manganese.

Citrus fruits – ang mga citrus fruits gaya ng kalamansi, suha, pon­kan, dalanghita, da­yap, at marami pang iba ay kilala sa pagiging mayaman sa Vitamin C. Ngunit bukod dito, ang mga prutas na ito ay na­tural din na diure­tic.