Abante Tonite Interactive

Solusyon sa mass testing ng COVID-19: Medical sniffer dogs!

586

Kagalang-galang na DOH Secretary Francisco Duque: May balita po ako na maaring makatulong sa mass testing. Ito po ang paggamit ng mga sniffer dogs.

Mayroong charity group sa United Kingdom na nag-te-train ng mga aso upang maka-detect sila ang Covid-19.

Ayon sa Medical Detection Dogs, ang bawat sakit ay may sariling amoy na kayang ma-detect ng aso. Mga sakit na tulad ng malaria, cancer at Parkinson’s disease. Naniniwala sila na kakayanin din ng mga sniffer dogs ang pag-detect ng Covid-19 gamit ang kanilang matalas na pang-amoy.

Kung ihahambing natin ang pang-amoy ng aso sa tao, ang aso ay may 300 million olfactory receptors sa kanilang mga ilong habang tayo ay may 6 million lamang. Ibig sabihin, mas matalas ng 50 times ang pang-aamoy ng mga alaga natin, kaysa sa atin! In fact, kahit maligo pa tayo ng sampung beses, maamoy pa rin tayo ng ating mga aso.

Dahil sa superpower na ito, baka pwede po nating maging ka-partner laban sa Covid-19 ang ating mga furry friends!

Sa kasalukuyan, pinagaaralan ng Durham University at ng London School of Hygiene and Tropical Medicine kung paano nila mahuhuli ang amoy ng Covid-19 nang ligtas ang aso at trainer sa nasabing virus. Kung magiging matagumpay sila, ma-dedetect ng mga sniffer dogs ang mga taong may Covid-19 KAHIT SILA AY WALANG SINTOMAS!

Ayon kay Dr. Claire Guest, ang CEO ng Medical Detection Dogs, magiging mabilis, epektibo at non-invasive ang paggamit ng Covid sniffer dogs. Hindi mo na kailangang maghintay ng ilang araw para makuha ang resulta ng inyong Covid test. Magpa-amoy ka lang sa aso at malalaman mo na. Isipin niyo po, dear Secretary, ang laki ng benepisyo at tipid nito!

Ipinagmalaki pa ng LSHTM head of disease control na si Prof. James Logan na ang accuracy ng mga sniffer dogs sa pag-detect ng malaria ay mas mataas pa sa standards ng WHO.

Related Posts

Dagdag pa ni Prof Steve Lindsay ng Durham University Department of Biosciences, maaring gamitin ang Covid sniffer dogs sa mga airport para mabilis na ma-identify ang mga taong may virus.

Makakatulong ito sa pag-iwas sa possibleng resurgence ng Covid. Makakabalik na rin sa ‘business as usual’ ang ating mga airlines at magiging safe ang paglipad.

Alam ko po na suntok sa buwan ang sulat na ito pero umaasa pa rin ako, dear Secretary, na bibigyan niyo po ng konsiderasyon ang ideya na ito. God Bless the Philippines!

Lubos na gumagalang,
Joyce

Tonite – Wendys Inhouse Ad