Abante Tonite Interactive

Solusyon sa serbisyo ng telco maliwanag na

258

Dead spot. Choppy. Cannot be reached. Please try your call later. Ilan lamang sa mga sakit ng ulong paulit-ulit na nararanasan ng ating mga kababayan sa serbisyo ng telepono.

Kapag nasusumpungan ang mga ito, kadalasan ay hindi rin magamit ang internet sa lokasyong kinalalagyan mo. Apektado rin ang kabuhayan ng mga Pilipinong ang kabuhayan ay nakadepende rito.

Ang pangarap ng gobyerno ay lumikha ng bagong pagkakataon sa pagkakakitaan ng ating mga kababayan. Dito, hindi sa ibayong dagat. ONLINE Filipino Workers, imbes na Overseas Filipino Wor­kers. Malapit na. Hindi lang pangarap. Totoo na ito.

Sa kuwarenta porsi­yento ng bansa ay mahina o walang serbisyo ng telepono.

Napag-alaman na kailangan natin ng 50,000 mga toreng pagkakabitan ng mga aparato. Sa kasalukuyan, matapos ang 20 taon, 16,000 lamang ang naipatayong mga tower ng Globe at Smart sa 8,000 mga lokasyon. Dahil magkakatabi sa isa’t isa ang mga tore ng kanilang mga aparato. E, puwede naman palang silang dalawa ang gumamit sa iisang toreng seserbisyo sa iisang coverage area.

Sa ating mga kababayan, nais namin na inyong maintindihan na sampung taon na tayong nahuhuli sa teknolohiyang ito. Ang bansang Vietnam na ating karatig-bansa sa Timog-Silangang Asya ay may 50,000 telco tower. Hindi ka­singdami ng nasa ating bansa ang bilang ng mga gumagamit ng telepono at iba pang mga gadget na umaasa sa signal ng telepono at internet.

Bakit ito ngayon ang direksyong tinatahak ng gobyerno? Sa ating hangaring lubos na pakinabangan ang lahat ng pagkukunan sa teknolohiya para mapaunlad ang teknolohiya, nais na­ming umusbong ang mga bagong kabuhayan na hindi umaasa sa empleyo o trabaho.

Batid ng inyong gobyerno ang datos hinggil dito. Sa bawat sampung porsyento na pagtaas ng “broadband penetration,” 1.38% porsyento ang itinataas ng Gross Domestic Product o GDP. Kaya nais naming lumikha ng maliliit na negosyong nakabase sa makabagong pamamaraan at information techno­logy. Halos walang puhunan, pagkamalikhain lamang ang kailangan.

Noong Martes, ang mga ahensyang kabahagi ng Cabinet Assistance System (CAS) ay nagtulong-tulong upang plantsahin ang mga gusot at magkakaibang paraan upang tugunan ang problema ng mga Pilipino sa serbisyo ng telepono.

Labis-labis ang aking paghanga sa husay at kababaang-loob nina DICT Acting Secretary Eliseo Rio, Jr., isang retiradong heneral at electronics engineer, at ni Secretary RJ Jacinto, Presidential Adviser on Economic Affairs and on Information Communication Technology. Dahil iisa ang layunin, naging maliwanag sa kanila ang hangarin ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa bansa, sa usapin ng serbisyo ng telepono.

Bagama’t hindi pa pinal at pinapipino pa ang nakitang mga solusyon, isa pang pagpupulong ng CAS ang itnakda para dito upang lubusang maihanda ang binabalangkas na polisiya nang mai­salang na ito sa susunod na pagpupulong ng Gabinete at sa Pangulo.